BRP Cabra, muling hinarang ng China coast guard sa Bajo de Masinloc

April 15, 2025 - Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang panibagong insidente ng agresibong pagmamaniobra ng China Coast Guard (CCG) malapit sa Bajo de Masinloc, isang pinagtatalunang bahagi ng dagat na sakop ng eksklusibong sonang ekonomiko (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, sinadyang harangan ng CCG vessel 21612 ang BRP Cabra noong Abril 14 habang isinasagawa nito ang isang karaniwang maritime patrol.
“The Chinese vessel maneuvered past the port side of the BRP Cabra, dangerously blocking its navigation route,” pahayag ni Tarriela.
Mariing kinondena ng PCG ang insidente at iginiit na nilabag nito ang International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGS).
“While coast guards are typically recognized as enforcers of maritime safety and humanitarian organizations, the actions of the People's Republic of China diverge from these norms,” ani Tarriela. “Their illegal patrols jeopardize the lives of fishermen and legitimate law enforcement agencies alike.”
Ang Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal, ay nasa layong 124 nautical miles mula sa Masinloc, Zambales at malinaw na bahagi ng 200-nautical-mile EEZ ng Pilipinas.
Sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2016, na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, patuloy pa rin ang paggiit ng Beijing ng pagmamay-ari sa lugar.
Nanindigan naman si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na patuloy ang presensiya ng Pilipinas sa lugar.
“Despite the BRP Cabra being smaller in length compared to the CCG vessels, international law empowers our vessel to operate without intimidation,” ani Gavan. “This confidence allows the BRP Cabra to challenge the CCG, thereby exposing their unruly behavior and bullying tactics to the international community.”
Wala pang tugon ang Chinese Embassy sa Manila hinggil sa insidente.
Samantala, nagpapatuloy ang maritime patrol ng BRP Cabra sa baybayin ng Zambales bilang bahagi ng hakbang ng Pilipinas na hadlangan ang pagtatangka ng China na gawing normal ang presensiya nito sa karagatan ng bansa.