Diskurso PH

PNP, nanawagan ng kooperasyon, disiplina ng publiko sa Semana Santa


Rose Anne Grace Dela Cruz • Ipinost noong 2025-04-15 12:28:03
PNP, nanawagan ng kooperasyon, disiplina ng publiko sa Semana Santa

Abril 15, 2025 — Sa pagsisimula ng Semana Santa, muling iginiit ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang kahalagahan ng disiplina, kooperasyon, at pagiging alerto ng publiko upang masiguro ang ligtas at payapang pagdiriwang ng banal na linggo.

Hinimok ni Marbil ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko at tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe, sa pamamagitan ng pagsunod sa BLOWBAGETS—Brake, Light, Oil, Water, Battery, Air, Gas, Engine, Toolkit, at Self.

Kasabay nito, naglabas ng direktiba si Marbil sa lahat ng yunit ng PNP na tiyakin ang maayos na seguridad ngayong Semana Santa. Sa isinagawang Command Conference sa Camp Crame, binigyang-diin ng heneral ang pangangailangang mapalakas ang police visibility sa mga checkpoint, chokepoint, terminal, simbahan, at iba pang matataong lugar.

Dumalo sa nasabing conference ang mga miyembro ng PNP Command Group at Directorial Staff, habang ang mga direktor mula sa iba’t ibang rehiyon at tanggapan ay nakibahagi sa pamamagitan ng virtual platform.

Bukod dito, inatasan din ni Marbil ang mga kapulisan na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng gun ban, at paigtingin ang koordinasyon sa mga barangay official, tanod, at security personnel sa mga komunidad at establisimyento upang maiwasan ang mga potensyal na banta.

Ayon sa tala ng PNP Highway Patrol Group, bumaba ang bilang ng mga naitalang aksidente sa panahon ng Kwaresma mula 19 na insidente noong 2023 sa 17 ngayong 2024. Bagama’t positibong indikasyon ito, nananawagan pa rin si Marbil ng patuloy na pag-iingat mula sa publiko.

Para sa mga pasahero at mananampalatayang magtutungo sa mga simbahan, terminal, at pampublikong lugar, muling paalala ng PNP na maging mapagmatyag, bantayang mabuti ang mga gamit, at agad i-report sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos o insidente. 

“Ang kaligtasan ng bawat isa ay nakasalalay hindi lamang sa mga pulis kundi sa ating sama-samang kooperasyon. Maging disiplinado at mapanuri. Sama-sama tayong magtulungan upang maging ligtas ang ating pagninilay at paglalakbay ngayong Semana Santa,” ani Marbil.

Tiniyak ng PNP na patuloy ang kanilang pagbabantay at serbisyo sa publiko sa gitna ng banal na linggo.