Balikatan, rehearsal ng depensa ayon sa AFP sa gitna ng tensyon sa China

Abril 16, 2025 — Inilarawan ng Pilipinas ang kasalukuyang Balikatan drills kasama ang Estados Unidos bilang isang “rehearsal sa depensa” sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea at Taiwan.
Ayon kay Brigadier General Michael Logico, assistant exercise director at tagapagsalita ng joint military exercise, may matinding kahalagahan ang mga drill sa kasalukuyang panahon.
“The military exercise verges on a full battle test, which means we are now treating the exercise as a rehearsal for our defense,” ani Logico.
Ang Balikatan 2025, na nangangahulugang “balikat-sa-balikat,” ay nilahukan ng humigit-kumulang 9,000 tropang Amerikano, 5,000 tropang Pilipino, 200 mula sa Australian Defence Force, at mga observer mula sa Japan Self-Defence Force. Sa unang pagkakataon, may mga dumalong observer din mula sa Poland at Czech Republic.
Nakatuon ang drills sa pagpapalakas ng interoperability sa dagat, himpapawid, at iba pang larangan ng operasyon. Magsasagawa ng mga aktibidad mula Palawan hanggang Hilagang Luzon, mga lugar na nakaharap sa South China Sea at Taiwan.
Nangyayari ang pagsasanay sa panahon ng pinakamataas na tensyon sa mga nakaraang taon sa pagitan ng China at mga bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas. Palagian ang mga insidente ng pagharang at agresyon ng Chinese Coast Guard sa mga karagatang inaangkin ng Pilipinas.
Ang South China Sea ay isang mahalagang rutang pangkalakalan na tinatahak ng mahigit $3 trilyong halaga ng kalakal kada taon, ngunit patuloy itong inaangkin halos sa kabuuan ng China, taliwas sa international rulings.
Noong Marso, muling tiniyak ni US Defense Secretary Pete Hegseth ang matibay na suporta ng Amerika sa ilalim ng Mutual Defense Treaty. Nangakong magdadala ang US ng advanced capabilities, kabilang ang NMESIS anti-ship missile system, para makatulong sa pagdepensa laban sa anumang banta gaya ng Chinese aggression.
Kinumpirma ni Logico na nasa Pilipinas na ang NMESIS system.
Noong nakaraang taon, unang ginamit sa Balikatan ang Typhon missile system ng US Army, na may kakayahang maglunsad ng Tomahawk missiles na kayang umabot hanggang China at Russia, bagay na tinutulan ng Beijing.
“Every country, big or small, has the absolute and inalienable right to defend itself… and train for that defense and with our partners, our treaty allies,” giit ni Logico.