Mga biyahero sa PITX, naiinip sa pagkaantala ng mga bus

Abril 16, 2025 — Mahaba ang pila at matagal ang paghihintay ng mga biyahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Semana Santa, dulot ng dagsa ng pasahero at pagkaantala ng mga biyahe ng bus.
Kabilang sa mga naghintay nang matagal si Girlie Pajarin, patungong Daet, Camarines Norte. Habang nakapila siya sa ticketing booth, sinubukan ng pinsan niyang mag-book online. Sina Wilmar Binos at ang kanyang pamilya, kasama ang alagang aso, ay bibiyahe papuntang Tabaco, Albay para makiisa sa prusisyon at magbakasyon sa tabing-dagat.
Ngunit hindi lahat ay kuntento sa karanasan. Si Glen Obrado, biyaheng Biliran, Leyte, ay naiinip na sa paghihintay sa kanyang bus na nakatakdang umalis ng 2 p.m. na hindi pa rin dumarating. Si Norma Reveldez naman ay napagod na sa kahihintay at nagsabing gusto na lamang niyang makatulog.
Ipinaliwanag ni PITX senior corporate affairs officer Kolyn Calbasa na, “Ini-expect po natin dahil maraming pupunta sa terminal na magwa-walk-in. Nagdagdag po tayo ng extra trips and then syempre meron po tayong mga kinuhang special permits from LTFRB.”
Dahil dito, nagdagdag ang pamunuan ng PITX ng mga biyahe at kumuha ng special permit mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maibsan ang epekto ng dagsa ng pasahero. Gayunpaman, hindi pa rin maiwasan ang pagkaantala ng mga biyahe.
Upang matiyak ang kaligtasan, may mga itinayong police assistance desk at isinagawa ang random inspections upang masigurong ligtas ang mga drayber at sasakyan.
Ayon sa PITX, tinatayang aabot sa 200,000 pasahero ang dadaan sa terminal sa Martes Santo pa lamang. Mula Abril 9 hanggang Miyerkules pagkatapos ng Linggo ng Pagkabuhay, inaasahan ang kabuuang 2.5 milyong pasahero. Naitala na ang 165,000 pasahero na bumiyahe mula Abril 9 hanggang Abril 11.
Pinaalalahanan ang mga biyahero na bumili ng ticket nang maaga at dumating nang mas maaga sa terminal upang maiwasan ang aberya. Patuloy ang paghahanda ng PITX para maayos na maisagawa ang daloy ng pasahero ngayong mataong panahon ng Semana Santa.