DepEd, sinibak ang principal ng Antique school matapos ang graduation isyu
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-25 13:42:39
Abril 25, 2025 — Tinanggal sa posisyon ang punong-guro ng Colonel Ruperto Abellon National School sa Laua-an, Antique matapos ang kontrobersiyal na insidente sa graduation ceremony ng paaralan noong Abril 15, 2025.
Inimbestigahan ng Department of Education (DepEd) si Principal Venus Divinia Nietes matapos kumalat sa social media ang isang video kung saan inutusan niya ang mga magtatapos na estudyante na alisin ang kanilang toga dahil hindi raw ito angkop na kasuotan para sa seremonya.
Sa video, maririnig si Nietes na nagsasabing, "So, class, take off your togas because it is not prescribed as your uniform for graduation. Okay? So your uniform will be your ribbons and your sablay. That’s all, okay?"
Nag-udyok ito ng galit mula sa mga estudyante at magulang, kung saan sumigaw ng "toga, toga, toga" ang ilang estudyante bilang protesta.
Isang estudyante ang naghayag ng pagkadismaya, aniya, "Pati diploma namon gin-ukas ang sulod kag wala kami ka buol ka diploma, sir," na nangangahulugang hindi nila agad natanggap ang kanilang diploma sa seremonya.
Nilinaw ng DepEd na hindi ipinagbabawal ang pagsusuot ng toga sa graduation. Batay sa DepEd Order No. 009, s. 2023, at Memorandum No. 27, s. 2025, "the prescribed attire for graduation and moving-up ceremonies includes casual or formal wear or the school uniform. The toga or sablay may be worn as an optional supplementary garment."
Bumuo ng fact-finding committee ang Schools Division ng Antique upang siyasatin ang insidente. Inatasan din nila si Nietes at iba pang sangkot na opisyal na magsumite ng incident report at intervention plan.
Binigyang-diin ng DepEd na dapat ipatupad ang mga polisiya "with discernment and never result in any learner’s exclusion, embarrassment, or marginalization."
Tiniyak ng DepEd na hindi madedeprive ang mga estudyanteng naapektuhan sa kanilang karapatan bilang mga graduate, kabilang na ang pagtanggap ng kanilang diploma at sertipiko. Magkakaloob din sila ng psychological support para sa mga apektadong estudyante.
