MAYNILA — Maaari nang mag-apply sa mga entry-level na posisyon sa gobyerno ang mga nagtapos ng Junior at Senior High School sa ilalim ng K-12 program, ayon sa bagong patakaran ng Civil Service Commission (CSC).
Pormal na ipinatupad ang reporma sa pamamagitan ng CSC Resolution No. 2500229, na kinikilala ang mga nagtapos ng Grade 10 at Grade 12 bilang kuwalipikado para sa mga unang antas ng posisyon sa gobyerno tulad ng clerical, trade, craft, at custodial roles.
“For years, our SHS students have been trained to be work-ready, but policy gaps have kept them from entering the public sector. This reform finally bridges that divide,” ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Tinanggap ng Department of Education (DepEd) ang desisyon bilang isang malaking hakbang pasulong, lalo na para sa mga nagtapos sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) track.
"It not only opens new doors for our learners but also boosts the government’s talent pool with fresh, young professionals trained under our K–12 system," dagdag pa ni Angara.
Ang bagong panuntunan ay bahagi ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang mga oportunidad sa trabaho para sa kabataang Pilipino.
Binuo ang patakaran sa pakikipagtulungan ng DepEd, CSC, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa ilalim ng panuntunan, kailangan pa ring tuparin ng mga aplikante ang iba pang kwalipikasyon tulad ng karanasan, pagsasanay, at eligibility requirements. Ang pagpili ay ibabatay sa merit at kakayahan alinsunod sa mga alituntunin sa pagkuha ng tauhan sa gobyerno.
Magiging epektibo ang bagong patakaran 15 araw matapos itong mailathala sa isang pahayagan na may malawak na sirkulasyon o sa Official Gazette.