Diskurso PH

Gated village sa Antipolo, ginawang taguan ng shabu lab


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-05-10 14:12:13
Gated village sa Antipolo, ginawang taguan ng shabu lab

ANTIPOLO, Rizal — Sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lihim na laboratoryo ng hinihinalang shabu sa isang bahay sa loob ng isang subdivision sa Antipolo nitong Biyernes ng gabi, Mayo 9.

Ayon kay PDEA spokesman Joseph Frederick Calulut, nasamsam sa operasyon ang ilang kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu, pati na rin ang mga drug paraphernalia. Natagpuan din ng mga awtoridad ang hinihinalang ephedrine, isang pangunahing sangkap sa paggawa ng nasabing ilegal na droga.

"We have identified the personalities involved. Although wala sila during the implementation of the search, so they will be facing charges. We are going to file cases against these individuals," ani Calulut.

Nagulat naman si Barangay Kagawad Samuel Mejia ng Muntindilaw, Antipolo sa pagkakatuklas ng lab.

"Wala hong idea kung sino nakatira dito. Wala po akong idea kung sila may-ari… Kasi kami ay pumapasok dito (sa village) pag may tawag sa amin. Mahigpit po ang mga guwardya. Hindi ko po alam bakit may mga nakapasok dito na ganito," pahayag niya.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang mga Pilipino ang mga suspek na kakasuhan. Ayon kay Calulut, maaaring may koneksyon pa ito sa ibang isinasagawang operasyon ng PDEA ngunit hindi niya idinetalye upang hindi makompromiso ang imbestigasyon.

Pinaniniwalaang may apat na katao ang sangkot sa operasyon. Posibleng mga tagabantay lamang sila ng bahay at hindi ang totoong may-ari.

Patuloy ang pagbabantay ng PDEA sa mga pinaghihinalaang operasyon ng droga sa lalawigan ng Rizal bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga.