Mayo 9, 2025 — Inamin ng Malacañang na tumitindi ang mga reklamo laban sa PrimeWater Infrastructure Corp. dahil sa umano’y palpak na serbisyo, na umano’y nakaapekto na sa tinatayang 16 milyong konsumer sa buong bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, seryoso ang isinasagawang imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) hinggil sa mga pagkukulang ng PrimeWater.
“Tandaan po natin, ang estimated po na sinasabing naapektuhan po ng hindi magandang serbisyo ng PrimeWater ay umaabot na po sa 16 million na katao so kailangan lang po talaga na ito’y mabilisang maaksyunan,” ani Castro.
Kasunod ito ng reklamong inihain ng Bayan Muna Party-list at mga apektadong residente sa Malacañang, na humihiling ng pagkansela sa mga joint venture agreement (JVA) ng PrimeWater at iba’t ibang local water districts sa buong bansa.
Kabilang sa mga lugar na inirereklamo ang San Jose del Monte sa Bulacan, Bacolod City, Quezon, Cavite, at Bukidnon—dahil sa madalas na water interruption, mababang kalidad ng tubig, mataas na singil, at kawalang tugon mula sa customer service.
Ang mga JVA ay kadalasang nilagdaan noong panahon ng administrasyong Duterte at sinasabing lumalabag sa Presidential Decree 198, na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga board ng water districts.
Nang tanungin kung bukas ang Malacañang sa posibilidad ng pagkansela ng mga kasunduan, sinabi ni Castro na hihintayin muna ng administrasyon ang resulta ng imbestigasyon.
“Kung meron pa pong mga tao na nagrereklamo, may mga ahensiya, may mga government agency na umaayon sa ginagawa ng Pangulo patungkol po sa pag-iimbestiga, particularly sa PrimeWater, iyan po ay ating wine-welcome dahil ibig sabihin, ang aksyon pong ginawa ng Pangulo ay hindi lamang po pamumulitika,” ani Castro.
Tiniyak naman ng Palasyo na dadaan sa tamang proseso ang PrimeWater. Binanggit din ni Castro ang pagtutok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patas na imbestigasyon.
“First of all, the President and the administration believe in due process. We don’t always have the saying ‘cut the process.’ So, we will find out everything, if there are anomalies, if there are shortcomings, and what else should be stopped,” wika ni Castro.
Inaasahang ilalabas ng LWUA ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa mga susunod na araw, na maaaring maging batayan sa kapalaran ng mga kasunduan ng PrimeWater sa mga lokal na water district.