Tag-ulan malapit nang ideklara, ulan sa hapon senyales na raw
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-20 17:57:20
MAYNILA, Pilipinas — Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes na nagsisimula na ang paglipat ng bansa sa panahon ng tag-ulan, matapos makapagtala ng mas madalas na pag-ulan sa ilang lugar.
Ayon kay PAGASA weather specialist Veronica Torres, senyales ang mga pag-ulan sa hapon at gabi na papalapit na ang rainy season.
“Opo, actually po 'yung pagiging maulan, napansin nga din po natin dito sa around Metro Manila, naging maulan rin po. So, nakikita po natin na possible na nga din po 'yung papunta na po tayo sa pagiging maulan or papunta na po tayo sa wet season,” ani Torres.
Gayunpaman, nilinaw ng PAGASA na hindi pa pormal na idinedeklara ang tag-ulan, dahil may mga tiyak na kondisyon muna itong kailangang matugunan.
“Titingnan natin 'yung accumulated rainfall and 'yung days kung tuloy-tuloy ba 'yung mga pagpapaulan nito at ayun po ay titingnan ng ating mga kasamang climatologist and then after then, kapag na-meet na 'yung parameters, possible na po tayong mag-declare ng rainy season po,” dagdag pa niya.
Ayon sa pamantayan ng PAGASA, kailangang makapagtala ng hindi bababa sa 25 mm ng ulan sa loob ng limang araw, kung saan may sunod-sunod na ulan ng hindi bababa sa 1 mm sa loob ng tatlong araw, bago ideklara ang pormal na pagsisimula ng tag-ulan. Noong nakaraang taon, Mayo 29 ito pormal na inanunsyo.
Bagama’t may mga pag-ulan na dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at mga localized thunderstorm, ipinaalala ng PAGASA na nananatili pa rin sa ngayon ang panahon ng tag-init, lalo na sa Metro Manila na inaasahang magkakaroon ng maaraw na umaga at maulang hapon sa mga susunod na araw.
