Kaso ni Duterte laban kina Abalos, Marbil sa KOJC raid ibinasura ng DOJ

MAYNILA, Pilipinas — Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong malicious mischief at violation of domicile na inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban kina dating DILG Secretary Benhur Abalos, PNP Chief Rommel Marbil, at iba pang opisyal, kaugnay ng pag-serve ng arrest warrant sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound noong Agosto 2024.
Sa 14-pahinang joint resolution, sinabi ng DOJ na walang masamang motibo sa kilos ng mga opisyal na sangkot sa operasyon.
“No evidence—direct or circumstantial—has been offered to show that any of the respondents, much less those who were not physically present, acted with malicious intent,” ayon sa resolusyon.
Iginiit ni Duterte, na nagsisilbing property administrator ng KOJC, na puwersahang pinasok ng pulisya ang compound at mga tirahan nang walang search warrant, na paglabag umano sa karapatan ng mga residente sa kanilang tahanan.
Gayunman, natukoy ng DOJ na gumalaw ang mga opisyal ayon sa kanilang tungkulin at may bisa ang presumption of regularity sa kanilang operasyon.“Their actions, as alleged, fall within the realm of lawful performance of duty and are protected by the presumption of regularity in official functions,” paliwanag ng DOJ.
Dagdag pa ng ahensiya, ang nasirang bahagi ng KOJC ay incidental o hindi sinasadya, at bahagi ng pagpapatupad ng arrest warrant laban kay Apollo Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong qualified human trafficking at child abuse.
Sumuko si Quiboloy sa mga awtoridad noong Setyembre 2024 matapos maglabas ng 24-oras na ultimatum ang pulisya.
Ikinatuwa naman ni Abalos ang desisyon ng DOJ. “It affirms that all our actions were in accordance with the law. Ito ay malinaw na ang aming ginawa ay tamang pagpapatupad ng batas.”