Malacañang: Walang pinupuntiryang kalihim sa utos ni Marcos na courtesy resignation

MAYNILA, Pilipinas — Nilinaw ng Malacañang nitong Huwebes na walang partikular na Cabinet secretary ang tinutukoy sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na humihiling ng courtesy resignation mula sa lahat ng mga miyembro ng gabinete.
“We have no update on that if there is really a target secretary regarding this request for courtesy resignation. There is none, as of the moment,” pahayag ni Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang media briefing.
Inilabas ng Pangulo ang utos bilang bahagi ng kanyang “recalibration” ng administrasyon matapos ang 2025 national at local elections.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), layunin ng panawagan na suriin muli ang performance ng bawat kagawaran at matukoy kung sino ang dapat manatili sa puwesto batay sa bagong direksyong tatahakin ng administrasyon.
Binigyang-diin ng PCO na ito ay “clear transition” mula sa unang yugto ng pamamahala tungo sa mas tutok at performance-based na pamumuno.
Dagdag ng Pangulo, bagama’t maraming opisyal ang nagpakita ng dedikasyon at propesyonalismo, kailangang iakma ang liderato sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa na nangangailangan ng mas mabilis na aksyon at resulta.
Bilang tugon sa mga agam-agam sa katatagan ng pamahalaan, tiniyak ng PCO na hindi maaantala ang mga serbisyo ng gobyerno, at stability, continuity, at meritocracy pa rin ang magiging gabay sa pagpili ng bagong leadership team ng Pangulo.