Sigaw ng bayan: Edukasyon unahin! 87% gustong tutukan ng bagong Senado
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-30 11:37:32
Mayo 30, 2025 — Malaking bahagi ng mga Pilipino—87%—ang nagnanais na unahin ng bagong halal na Senado ang reporma sa edukasyon, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Isinagawa ang survey mula Mayo 2 hanggang Mayo 6, kung saan tinanong ang mga respondents kung anong isyu ang dapat tutukan ng 20th Congress matapos ang midterm elections noong Mayo 12. Lumabas sa resulta na matindi ang suporta ng mga Pilipino sa pagpapalakas ng pampublikong sistema ng edukasyon, pagpapalawak ng scholarship programs, at pagpapabuti ng mga oportunidad sa vocational training.
Ipinakita rin ng isang bagong pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 5.58 milyong Pilipino na nagtapos ng junior high school ang itinuturing pa ring functionally illiterate, dahilan upang mas lalong igiit ang pangangailangan ng edukasyon reforms.
Maliban sa edukasyon, itinampok din sa survey ang iba pang pangunahing prayoridad ng mga Pilipino:
-
83% ang humihiling ng pagpapaunlad ng agrikultura sa pamamagitan ng subsidies, training, at market access para sa mga magsasaka.
-
82% ang nais ng dagdag na pamumuhunan sa healthcare systems.
-
79% ang sumusuporta sa pagpapalawak ng social welfare programs para sa mga pamilyang mababa ang kita.
-
74% ang umaasang tututukan ng mga mambabatas ang pagtaas ng minimum wage.
-
73% ang naghahangad ng mga hakbang para sa job creation.
-
71% ang naniniwalang dapat may price control measures para sa pangunahing bilihin at serbisyo.
-
67% ang naggigiit ng pagpapalakas ng governance reforms upang masigurado ang transparency at accountability sa paggastos ng pamahalaan.
Ang survey, na iniutos ng Stratbase Group, ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters sa buong bansa at may ±2.31% margin of error.
Nanawagan na ang mga education advocates sa mga mambabatas na agad umaksyon sa reporma upang maibsan ang learning gaps at mapabuti ang access sa dekalidad na edukasyon sa bansa.
