State Of Calamity , Idineklara sa Siquijor Dahil Sa Krisis Sa Kuryente!
Ipinost noong 2025-06-06 18:00:51
Maynila, Pilipinas- Inihayag ni Gobernador Jake Villa nitong Huwebes, Hunyo 5, 2025, na inilagay ang buong probinsya ng Siquijor sa ilalim ng State of Calamity dahil sa matinding krisis sa kuryente na nagdudulot ng halos isang buwan nang rotational brownout. Ang desisyon, na pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan noong Martes, Hunyo 3, ay magbibigay-daan sa lokal na pamahalaan na agad na ma-access ang calamity fund nito upang tugunan ang problema.
Paliwanag ni Gobernador Villa sa isang press conference sa Siquijor Provincial Capitol, nakakaranas ang isla ng pang-araw-araw na brownout na tumatagal ng humigit-kumulang limang oras, at sa ilang lugar ay umaabot pa ng 20 hanggang 22 oras. Ang pangunahing sanhi ng kakulangan sa kuryente ay ang pagkasira ng lahat ng anim na generator ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR), ang tanging power provider ng isla. Dahil dito, kinukulang ang probinsya ng 2 megawatts mula sa kabuuang demand nitong 9.4 megawatts.
"Ang Lalawigan ng Siquijor ay nagdeklara ng State of Calamity dahil sa ating problema sa kuryente. Isang buwan—at nagpapatuloy pa—na po itong isyu sa kuryente, napakalaking hamon," ani Villa. Idinagdag niya na dahil hindi konektado ang isla sa national grid at umaasa lamang sa mga diesel-operated na generator, walang kakayahang sumalo ang ibang probinsya sa kakulangan ng kuryente.
Bilang agarang solusyon, plano ng pamahalaang panlalawigan na umarkila ng dalawang 2-megawatt generator mula Cebu, na tinatayang nagkakahalaga ng P2.8 milyon para sa dalawang buwan. Bukod dito, bumili na rin ang Province of Siquijor Electric Cooperative (Prosielco) ng isang 2-megawatt generator mula Palawan. May P14 milyong calamity fund ang probinsya na maaaring gamitin para sa mga inisyatibong ito.
Binigyang-diin ni Villa ang malaking epekto ng krisis sa kuryente sa ekonomiya ng Siquijor, lalo na sa sektor ng turismo na napakahalaga sa isla. Noong nakaraang taon, umabot sa 1.3 milyong turista ang bumisita sa Siquijor. Nagbabala siya na ang patuloy na brownout ay maaaring magdulot ng "economic sabotage" kung mawawalan ng mga turista dahil sa hindi magandang serbisyo ng mga establisyimento. Naapektuhan din ang mga serbisyong panlipunan tulad ng distribusyon ng tubig, healthcare, edukasyon, komunikasyon, at sanitasyon.
Samantala, inihayag ni Governor Villa na kinukunsidera ng probinsya ang posibleng legal na aksyon laban sa SIPCOR, na may 20-taong kasunduan sa Prosielco simula 2015. Handa rin ang lokal na pamahalaan na pansamantalang sakupin ang operasyon ng Prosielco kung hindi ito makahanap ng bagong power supplier sa pamamagitan ng competitive bidding. Ayon kay Villa, matatanggal ang State of Calamity sa sandaling maging stable ang suplay ng kuryente.
