PBBM: Impeachment trial ni Sara Duterte madadala sa 20th Congress

MAYNILA — Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes na tiyak nang madadala sa Ika-20 Kongreso ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte dahil sa kakulangan ng oras at siksik na legislative calendar ng Senado.
“It is very clear that it will,” ayon kay Marcos sa isang panayam sa Malacañang. “Because there is no way that even if they start the trial now, that they will finish it before the new senators come in. So, well… again, the senators will decide.”
Iginiit ng Pangulo na ang Senado na ang may buong kapangyarihan sa pagpapatuloy ng proseso. “This is really a function of the Senate right now. So, we leave it to them. It has moved already from the House. It has now been in the Senate for a few months,” dagdag pa niya.
Noong Lunes ng gabi, nanumpa na si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court. Inaprubahan din ng Senado ang mosyon na italaga ang lahat ng senador bilang senator-judges sa ganap na 4 p.m. ng Martes, na hudyat ng pormal na pagsisimula ng proseso.
Gayunpaman, inamin ni Escudero na dahil sa kakaunting nalalabing session days bago mag-adjourn ang Ika-19 na Kongreso sa Hunyo 30, malamang na sa ilalim pa ng Ika-20 Kongreso—na magsisimula sa Hulyo 29—pormal na magsisimula ang paglilitis.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay isinampa mas maaga ngayong taon at naglalaman ng alegasyon ng malawakang korupsiyon at pakikipagsabwatan sa karahasan—mga akusasyong mariin niyang itinanggi.