Senado, Kamara nagkakagulo sa impeachment rules habang papalapit ang deadline

HUNYO 19, 2025 — Umigting ang tensyon sa pagitan ng impeachment court ng Senado at ng House of Representatives dahil sa pagtatalo sa mga patakaran sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Inakusahan ni Reginald Tongol, tagapagsalita ng impeachment court ng Senado, ang House na ayaw sumunod sa utos imbes na ayusin ang mga legal na isyu.
“This is the first time I have seen litigants question the court,” aniya sa isang press briefing.
(Unang beses ko makakita na ang mga naghahabla ang nagtatanong sa korte.)
Hinihintay pa rin ng Senado ang certification mula sa House na sinunod ang mga konstitusyonal na proseso sa paghain ng impeachment complaint.
May hanggang June 23 si Duterte para sumagot sa summons, habang hanggang June 30 naman ang mga prosecutor para mag-counter sa kanyang sagot — kung magsa-submit man siya.
“Nakalagay po sa Senate impeachment rules na magpapatuloy pa rin ang impeachment process kahit na hindi po sumagot, hindi mag-file ng answer,” paliwanag ni Tongol.
Noong nakaraang linggo, inutusan ng Senado ang House na i-resubmit ang Articles of Impeachment kasama ang patunay ng pagsunod. Bagamat bumoto ang House para i-certify ang konstitusyonalidad nito, ipinagpaliban nito ang pag-file ulit ng mga dokumento at humingi ng karagdagang linaw.
Tumutol naman ang mga tagapagsalita ng House, na nagsasabing lampas sa konstitusyon ang hinihingi ng Senado.
“Ang requirement lang ng Constitution ay verified complaint that is sufficient in form and substance that is voted upon by members of the House of Representatives that was transmitted to the Senate,” pahayag ni Princess Abante.
(Ang kailangan lang ng Konstitusyon ay verified complaint na sapat sa anyo at nilalaman, na pinagbotohan ng mga miyembro ng House of Representatives at naipasa sa Senado.)
Iginiit naman ni Antonio Bucoy, tagapagsalita ng prosecution team ng House, na natupad na ng lower chamber ang kanilang obligasyon.
“We're not complaining. We are calling them out. Do your duty. That is the clamor of the people,” dagdag niya, na binigyang-diin na hindi patas ang requirements ng Senado sa isang "co-equal branch."
(Hindi kami nagrereklamo. Hinahamon namin sila. Gawin ninyo ang trabaho ninyo. 'Yan ang sigaw ng taumbayan.)
Habang papalapit ang mga deadline, maaaring maantala ang proseso — o tuluyang mawalan ng saysay. Babala ng mga legal expert, kung walang magba-back down, maaaring magtapos ang hidwaan sa Supreme Court.
(Larawan: House of Representatives)