VP Sara itinangging humiling ng interim release si Duterte sa Australia

Hunyo 28, 2025 — Mariing itinanggi ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang mga ulat na tumanggi ang Australia na maging host country para sa pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung sakaling aprubahan ito ng International Criminal Court (ICC).
Sa panayam sa media sa Island Garden City of Samal, nilinaw ni VP Duterte na, “The defense team of President Rodrigo Duterte never reached out to the Australian government to discuss his interim release. There is no application from former President Duterte for interim release in Australia.”
Ito ang pahayag niya matapos lumabas ang ulat na tinanggihan umano ng Australian Department of Foreign Affairs and Trade ang isang kahilingan na tanggapin si Duterte kung pansamantalang palalayain ng ICC.
Ayon kay VP Duterte, nakatanggap siya ng kopya ng isang email mula sa isang nagngangalang “Hasna” ng nasabing departamento, ngunit binigyang-diin niyang, “I don’t know where the email came from... and I don’t know as well on what basis [it] was able to say that they will not allow interim release.”
Habang nasa Melbourne noong Hunyo 20 hanggang 24 para sa isang personal na biyahe, inamin ni VP Duterte na kabilang ang Australia sa mga bansang ikinokonsidera ng legal team ng kanyang ama. Pero nilinaw niya, “I am not here for the interim release. Not for this visit.”
Samantala, tumutol ang prosekusyon ng ICC sa hiling na pansamantalang palayain si Duterte, sa dahilan na ang tinutukoy na third country na tatanggap sa kanya ay wala umanong kasaysayan ng matibay na kooperasyon sa korte.
Isinumite ng kampo ni Duterte ang petisyon noong Hunyo 12, kung saan nakasaad na dalawang bansa ang nagpahayag ng kahandaang tanggapin siya, ngunit hindi isinapubliko ang kanilang pagkakakilanlan.
Nasa kustodiya si Duterte sa pasilidad ng ICC sa The Hague mula pa noong Marso 12, at nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang madugong kampanya kontra droga. Itinakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23.