Diskurso PH

Gretchen Barretto, itinanggi ang pagkakasangkot sa kaso ng nawawalang sabungero


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-07-05 12:13:27
Gretchen Barretto, itinanggi ang pagkakasangkot sa kaso ng nawawalang sabungero

Hulyo 4, 2025 – Mariing itinanggi ng aktres at socialite na si Gretchen Barretto ang pagkakadawit niya sa kaso ng mahigit 30 nawawalang sabungero, matapos siyang pangalanan ng Department of Justice (DOJ) bilang isa sa mga suspek.

Sa isang pahayag na inilabas ng kanyang abugado na si Atty. Alma Mallonga, iginiit ni Barretto na wala siyang kinalaman sa operasyon ng e-sabong at isa lamang siya sa halos 20 investors na tinatawag na “alpha members.”

“Wala siyang dinaluhang pagpupulong kung saan may mga pinagtibay o inaprubahan ukol sa mga pagdukot. Isang walang basehang imbento ang paratang,” ayon kay Mallonga.

Lumabas ang kanyang pahayag matapos akusahan ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan o “Totoy” sina Barretto at negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na nasa likod umano ng pagdukot at pagpatay sa mga sabungero, at paglalaglag ng kanilang bangkay sa Taal Lake. Giit ng whistleblower, dahil sa pagiging malapit ni Barretto kay Ang, posibleng alam o kasangkot siya sa mga nangyari.

Mariin itong itinanggi ng kampo ni Barretto: “Bagama’t wala siyang aktwal na ebidensya o nasaksihan, pinilit pa rin ng whistleblower na idawit si Ms. Barretto dahil lamang sa pagiging malapit niya kay Mr. Atong Ang,” dagdag ni Mallonga.

Kinumpirma rin ni Barretto na siya ay sinubukang kikilan, at pinagbantaan na idadamay sa kaso kung hindi magbabayad. “Tumanggi siya dahil wala naman siyang ginawang mali,” pahayag ng kanyang abogado.

Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ni Barretto ang kanyang kahandaang makipagtulungan sa imbestigasyon. “Ms. Barretto awaits the result of the investigation and will fully cooperate in the process. This is her priority,” ayon kay Mallonga.

Patuloy ang case build-up ng DOJ, at posibleng magsampa ng pormal na kaso depende sa pagsusuri ng mga piskal. Umapela si Barretto sa publiko na huwag agad humusga at hayaang manaig ang isang patas na imbestigasyon batay sa ebidensya.