Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOTr, pinaigting ang pagpapatupad ng “anti-sardinas” policy

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-08 14:57:41 DOTr, pinaigting ang pagpapatupad ng “anti-sardinas” policy

MANILA — Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator ng pampasaherong sasakyan laban sa labis na pagsisiksikan ng pasahero, kasunod ng kautusan mula sa Department of Transportation (DOTr) para pigilan ang tinatawag na “anti-sardinas” phenomenon—kung saan ang mga pasahero ay siksikan sa sasakyan na parang de-lata.

Sa pahayag ng ahensya, sinabi nila: “The LTFRB under Chairperson Atty. Teofilo E. Guadiz III, CESO V, reminds all PUV operators to strictly adhere to and comply with the allowable passenger capacity of their PUVs pursuant to the existing policies of the Board and the DOTr.”

Maaaring pagmultahin at patawan ng parusa ang mga lalabag sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, kabilang ang suspensyon o pagkansela ng kanilang Certificate of Public Convenience.

Mga limitasyon sa kapasidad ng pasahero ayon sa uri ng sasakyan:

  • AUVs (hal. Mitsubishi Adventure, Isuzu Crosswind): 9 pasahero kasama ang driver

  • Regular Vans (hal. Toyota Hi-Ace, Nissan Urvan Shuttle): 10 pasahero kasama ang driver

  • Extended Vans (hal. Toyota Hi-Ace Commuter): 12 pasahero, hindi lalampas sa kapasidad ng manufacturer

  • Tradisyonal at Modernong Jeepneys: 12 hanggang 32 pasahero; hanggang 5 nakatayong pasahero kada metro kuwadrado ng available na espasyo

  • Public Utility Buses: 50+ pasahero base sa limitasyon ng manufacturer; may parehong limitasyon sa nakatayong pasahero

Ipinagbabawal ang mga nakatayong pasahero sa mga biyaheng malayo.

Nag-utos din ang DOTr sa mga enforcer ng Land Transportation Office na hulihin ang mga bus at jeep na lalampas sa itinakdang seating capacity. Ayon kay DOTr Assistant Secretary Vigor Mendoza, “Overcrowding not only undermines passenger convenience but also compromises road safety.”

Hinimok ng LTFRB ang publiko na i-report ang mga lumalabag sa pamamagitan ng hotline at social media upang makatulong sa pagpapatupad ng batas.