19-4: Senado, isinantabi muna ang impeachment case laban kay Sara Duterte
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-07 09:09:54
AGOSTO 7, 2025 — Matapos ang mahaba at mainitang debate, nagdesisyon ang Senado noong Miyerkules na isantabi — o i-archive — ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. Sa botong 19-4 at may isang abstain, sinunod ng mataas na kapulungan ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang hindi konstitusyonal ang naturang reklamo.
Ayon sa Korte Suprema, nagkamali ang House of Representatives sa proseso ng paghain ng impeachment complaint. Dahil dito, wala raw bisa ang reklamo mula pa sa simula (void ab initio), kaya hindi na dapat ito pinatuloy ng Senado.
Kabilang sa mga lumaban sa pag-archive ang minority bloc na sina:
Senate Minority Leader Vicente "Tito" Sotto III
Sen. Risa Hontiveros
Sen. Francis "Kiko" Pangilinan
Sen. Bam Aquino
Umabstain naman si Sen. Panfilo "Ping" Lacson, na nagsabing mas mainam na hintayin muna ang final decision ng Korte Suprema.
Bago bumoto, nagtalo ang mga senador kung dapat bang isantabi agad ang kaso o hintayin ang final ruling ng hukuman. Si Sen. Rodante Marcoleta, na nagmungkahing i-dismiss ang kaso, ay binago ang kanyang posisyon matapos imungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano na gawing "archive" imbis na "dismiss."
Pero iginiit ni Sotto na hindi pa tapos ang laban.
“A motion for reconsideration was filed by the House of Representatives just last Monday. Why are we rushing to dismiss the case?” aniya. “Just to remind everyone, the reversal of the Supreme Court’s own decision is not impossible, even in landmark cases.”
(Nagsumite ng motion for reconsideration ang House of Representatives noong Lunes lang. Bakit tayo nagmamadaling idismiss ang kaso? Paalala lang sa lahat, hindi imposibleng baligtarin ng Korte Suprema ang sarili nilang desisyon, kahit pa sa mga landmark cases.)
Binanggit niya ang ilang kaso kung saan nagbago ang desisyon ng Korte Suprema.
Suportado siya ni Hontiveros, na nagsabing: “Tabling the motion to dismiss by the Senate today would not be a defiance of the Supreme Court. There’s no final decision yet. Even the Supreme Court is still waiting for the Vice President’s comment.”
(Ang pagpapaliban sa motion to dismiss ng Senado ngayon ay hindi paglabag sa desisyon ng Korte Suprema. Wala pang final na pasya. Kahit ang Korte Suprema ay naghihintay pa rin ng komento ng Pangalawang Pangulo.)
Nagtaas naman ng legal na kwestyon si Lacson: Nararapat bang magsagawa ng aksyon ang Senado bilang impeachment court kung wala pa itong ganap na hurisdiksyon sa kaso?
Binigyang-diin niya na walang malinaw na probisyon sa kanilang mga patakaran tungkol sa motion to dismiss, kung kaya't nagtanong kung paano sila makapagpapasya nang wasto sa ganitong kalagayan.
Tumugon si Senate President Francis Escudero na maaaring i-archive ang kaso, tulad ng ginawa sa impeachment complaints nina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Pero, ano ang ibig sabihin ng pag-archive? Hindi tuluyang binasura ang impeachment complaint — naka-imbak lang ito at maaaring balikan kung magbabago ang desisyon ng Korte Suprema.
Ayon sa mga eksperto, kung baligtarin man ng Korte Suprema ang desisyon nito, maaaring buksan muli ang impeachment proceedings. Pero sa ngayon, patay na ang kaso — maliban kung may bagong reklamong isasampa nang naaayon sa tamang proseso.
Kabilang sa 19 na bumoto ng "yes" ang mga malalapit kay Duterte, tulad nina Sen. Imee Marcos, Sen. Ronald "Bato" dela Rosa, Sen. Robin Padilla, at Sen. Bong Go.
Ipinunto ni Marcos na may sira sa proseso, at dapat daw unang ayusin ng House of Representatives ang kanilang sistema.
Sa kabilang banda, iginiit ni Go na dapat na tutukan na lang ang mas mahahalagang usapin, partikular ang paggawa ng mga batas para sa kapakanan ng publiko sa halip na pag-aksayahan pa ng panahon ang mga gusot.
Ngunit para sa minority, hindi pa tapos ang usapan.
“Whether we dismiss or archive the articles of impeachment, it’s harder to dismiss or archive the demands of people in terms of accountability and justice,” giit ni Hontiveros.
(Maaari nating isantabi o i-archive ang impeachment complaint, ngunit hindi natin basta-basta maitataboy ang panawagan ng taumbayan para sa pananagutan at hustisya.)
Sa huli, ang desisyon ng Senado ay pagkilala sa kapangyarihan ng hudikatura — pero hindi nito pinatay ang posibilidad na muling buksan ang kaso sa hinaharap.
(Larawan: Philippine News Agency)
