Diskurso PH
Translate the website into your language:

BREAKING NEWS: Mayor Vico Sotto, binunyag ang umano’y malakihang korapsyon sa Top Flood Control Contractors

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-11 14:11:27 BREAKING NEWS: Mayor Vico Sotto, binunyag ang umano’y malakihang korapsyon sa Top Flood Control Contractors

PASIG CITY – Ibinunyag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang umano’y malakihang korapsyon na sangkot ang ilang pinakamalalaking kontratista ng flood control projects sa bansa, kabilang ang mga kumpanyang pag-aari at kontrolado umano ng iisang pamilya.

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni Sotto na kabilang sa Top 15 DPWH contractors na ipinrisinta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ngayong umaga ang Alpha & Omega (Top 2) at St. Timothy (Top 3), na parehong pagmamay-ari ng pamilya Discaya. Kabilang din dito ang St. Gerrard at iba pang kumpanya. Tinukoy ni Sotto na umalingawngaw dito ang sinabi ng Pangulo sa SONA: “Mahiya naman kayo.”

Ibinahagi ng alkalde ang tinawag niyang “6 stages of corruption”:

1. Anomalya o sabwatan sa procurement o bidding pa lang.

2. Substandard o kahit “guni-guni” lang na proyekto, gaya ng binanggit ng Pangulo sa SONA.

3. Umano’y “SOP” o kickback na umaabot ng higit kalahati ng halaga ng proyekto.

4. Pag-iwas sa tamang pagbabayad ng buwis sa BIR.

5. Pagkulang o hindi pagbabayad ng business tax sa LGU—may top contractor pa umanong nagdeklara ng zero gross revenue.

6. Kapag sanay na sa mga naunang hakbang, papasok sa politika at gagamitin ang 1% ng nakaw bilang “tulong” para magmukhang mabait.

Dagdag pa ni Sotto, matagal nang alam sa loob ng gobyerno ang ganitong sistema, at mismong ilang kapitan at politiko ang nagkuwento sa kanya kung paano ito ginagawa. “Mahirap at delikado, pero gawin natin ang parte natin para matigil ito,” aniya.

Bilang tugon, sinabi ni Sotto na magsusumite ang LGU sa Pangulo ng lahat ng impormasyon at “red flags” na nakikita, at ipagpapatuloy ang mga kaso laban sa mga kompanya upang mabawi ang milyon-milyon, kung hindi man bilyong piso, na utang nilang business tax sa Pasig. Kapag nakolekta ito, aniya, may sapat na pondo na ang lungsod para ipagawa ang gusali ng Judiciary at National Government Agencies nang hindi nababawasan ang pondo ng iba pang programa.