911 emergency system, garantisadong sagot sa tawag ng tulong anumang oras
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-12 11:49:10
AGOSTO 12, 2025 — Simula pa noong Hulyo 2025, mas mapapabilis ang emergency response sa bansa sa pamamagitan ng Unified 911 Emergency System. Una itong inilunsad sa National Capital Region (NCR), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at mga rehiyon 1 at 7, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.
Sa isang press briefing, iginiit ni Remulla na gagamit ang sistema ng advanced technology para matukoy agad ang lokasyon ng mga tumatawag.
"We are going to deploy the latest technology in the world. Puwedeng streaming - maipapakita mo kung anong nangyayari sa iyo," aniya. “May geolocator - para malaman kung nasaan ka.”
Layunin nitong tugunan ang problema sa mga pekeng tawag, na umabot na sa 60% ng mga natatanggap ng PNP.
Inatasan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PNP na siguraduhing may agad na responder sa bawat emergency call.
"The challenge now is to ensure that, rain or shine, during ordinary days and more so in times of crisis, there are people who will be ready to answer our people’s call for help," pahayag niya sa ika-124th Police Service Anniversary.
(Ang hamon ngayon ay siguraduhing, sa hirap at ginhawa, sa mga ordinaryong araw at lalo na sa panahon ng krisis, may mga taong handang tumugon sa pagtawag ng ating mga kababayan para sa tulong.)
“This is how we rebuild the trust that the police will come no matter what time, no matter what the circumstance is, they will arrive,” dagdag pa niya.
(Sa ganitong paraan natin muling maibabalik ang tiwala na darating ang pulisya anumang oras, sa anumang sitwasyon — sila'y tutugon.)
Bahagi ang 911 ng 10-year investment plan ng gobyerno, at hindi ito maaapektuhan kahit magpalit ng administrasyon. Mananatili rin ang ibang hotline tulad ng 117 ng PNP, pero magiging command center na lamang ito para sa mga tawag na may kinalaman sa kanilang operasyon.
Para masugpo ang nuisance calls, hinimok din ni Remulla ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa laban sa mga nagpa-prank call.
Ang bagong sistema, na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon, ay inaasahang magbibigay ng mas maaasahang serbisyo sa publiko.
(Larawan: RTVM)
