DILG, susupindigin ang empleyadong lalabag sa online gambling ban
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-14 09:51:13
MAYNILA — Nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na kanyang isusumite ang listahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula gobernador hanggang barangay na lumalabag sa patakaran laban sa online gambling, upang tuluyang ma-ban sa pag-access sa mga gambling sites.
Ayon kay Remulla, “If you are a government official, bawal sila pumasok sa gaming sites or gaming floor kahit free time nila. Sa akin lang, kung bawal kayo sa physical casino, dapat sa online casino bawal din.” Ibinunyag niyang personal niyang nakita ang ilang pulis at empleyado ng gobyerno na naglalaro ng online gambling sa kanilang cellphone kahit oras ng break.
Batay sa Memorandum Circular 2025-082, sakop ng online gambling ban ang mga opisyal at miyembro ng mga sumusunod na ahensya:
Philippine National Police (PNP)
Bureau of Fire Protection (BFP)
Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)
National Youth Commission (NYC)
Philippine Commission on Women (PCW)
National Commission on Muslim Filipinos (NCMF)
Philippine Public Safety College (PPSC)
National Police Commission (NAPOLCOM)
Iba pang ahensyang nasa ilalim ng DILG
Ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring masuspinde at masampahan ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman. Nilinaw ni Remulla na bagama’t legal ang online gambling para sa publiko, mahigpit itong ipinagbabawal sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan bilang bahagi ng kampanya laban sa katiwalian at hindi etikal na asal sa serbisyo publiko.
Dagdag pa ng kalihim, layunin ng hakbang na ito na “tuluyang linisin ang hanay ng pamahalaan mula sa mga opisyal na inuuna ang bisyo kaysa sa serbisyo.”