Lalaki, patay matapos tagain ng kainuman sa San Narciso, Quezon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-15 02:56:47
SAN NARCISO, QUEZON — Trahedya ang sinapit ng isang lalaki matapos umanong tagain ng kanyang kainuman sa Barangay Villa Aurin, San Narciso, Quezon. Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa labas ng bahay ng lola ng huli.
Base sa imbestigasyon, biglang tumayo ang biktima at naglakad palayo sa lugar ng inuman. Sa hindi pa malinaw na dahilan, hinabol siya ng suspek at paulit-ulit umanong tinaga gamit ang isang matalim na itak. Agad na bumagsak ang biktima at nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang rumesponde ang mga barangay tanod at pulis sa lugar, ngunit wala na silang nadatnan kundi ang walang buhay na katawan ng biktima.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. Inaalam din kung nagkaroon ng pagtatalo o alitan bago mangyari ang pananaga.
Sa kabilang banda, bagama’t malagim na trahedya ang nangyari ay marami paring netizens ang naging insensitibo sa pangyayari.
“Sabi ng wag matakaw sa pulutan”
“Dito sa amin may tinaga gamit ang martilyo.”
“Ayun natalo si San Miguel, tigok.”
Sa mga ganitong uri ng insidente ay mas makakabuting maging sensitibo tayo sa mga salitang ating gagamitin bilang paggalang na rin sa pamilya ng biktima.
Sa huli, mariing pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na iwasan ang labis na pag-inom ng alak at ayusin ang anumang hindi pagkakaunawaan sa mapayapang paraan upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.
(Larawan: Google)
