Sen. Marcoleta, mangunguna sa imbestigasyon sa problemadong flood control projects
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-15 23:14:42
Itatalaga si Senador Rodante Marcoleta bilang mamumuno sa imbestigasyon hinggil sa umano’y problemadong mga proyekto sa flood control na nakatakdang isagawa sa Martes, Agosto 19, 2025.
Ayon sa paunang ulat, kabilang sa tatalakayin ng Senado ang mga reklamong mabagal o hindi natatapos na konstruksiyon ng flood control systems sa ilang lugar sa bansa. Nababahala ang ilang mambabatas at residente na posibleng nasasayang ang pondo ng gobyerno habang patuloy na lumulubog sa baha ang mga komunidad tuwing may malakas na ulan.
Tinitingnan din sa imbestigasyon kung may mga iregularidad sa paggastos ng budget at kung nasusunod ang tamang disenyo at pamantayan ng mga proyekto. Ilan sa mga proyekto umano ay nabahiran ng isyu ng overpricing at substandard na materyales.
Giit ni Marcoleta, mahalagang masiguro na napupunta sa tama ang pondo at natutugunan ang layunin nitong protektahan ang mga mamamayan laban sa baha. Aniya, hindi dapat maantala ang mga proyektong ito dahil direktang nakakaapekto sa kaligtasan at kabuhayan ng publiko.
Inaasahan na dadalo sa pagdinig ang ilang opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Commission on Audit (COA), at mga lokal na pamahalaan para magpaliwanag sa estado ng mga flood control projects.