Isang bangkay, natagpuan sa loob ng isang van malapit sa harap ng isang police station sa San Pedro, Laguna
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-19 19:48:47
San Pedro, Laguna — Isang nakakakilabot na insidente ang nadiskubre nitong Martes ng umaga, Agosto 19, 2025, sa Magsaysay Road malapit sa gate ng Holiday Park Subdivision, Barangay San Antonio, San Pedro, Laguna, matapos matagpuan ang isang bangkay sa loob ng isang van na nakarehistro pa umano sa Cavite.
Ayon sa ulat, sinabi ng isang tauhan ng trucking company na madalas pumarada malapit sa naturang lugar, na noong Biyernes pa nakatigil ang naturang van. Ngunit ngayong Martes lamang nila napansin at nadiskubre na may patay sa loob ng sasakyan.
Ang biktima ay nananatiling hindi pa nakikilala sa kasalukuyan. Nakasuot ito ng puting t-shirt at itim na pantalon o jogger pants nang matagpuan. Higit na ikinagulat ng mga awtoridad at residente ang posisyon ng katawan ng biktima: nakaluhod at may tali ang leeg, na animo’y pinalalabas na isang kaso ng pagpapakamatay.
Agad na rumesponde ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng paunang imbestigasyon. Sa ngayon, patuloy pang inaalam kung may foul play na sangkot sa insidente o kung totoong kaso ito ng suicide gaya ng unang impresyon.
Hindi rin inaalis ng mga awtoridad ang posibilidad na itinapon lamang sa lugar ang bangkay at pinagpanggap bilang sariling pagpapatiwakal. Hinihiling naman ng pulisya ang kooperasyon ng publiko upang makilala ang biktima at makatulong sa pagpapatibay ng imbestigasyon.
Samantala, nananatiling bantay-sarado ang lugar habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang tunay na sanhi at mga posibleng suspek sa likod ng pagkamatay ng hindi pa nakikilalang lalaki.
