Surot sa Ayala Malls Circuit, reklamo ng customer
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-26 18:18:45
Makati - Isang babae ang nag-post online tungkol sa hindi magandang karanasan nila ng kanyang boyfriend sa Ayala Malls Circuit.
Ayon sa kanya, matapos silang kumain ng hapunan ay bumili sila ng dessert at naupo sa harap ng Starbucks. Pero laking gulat nila nang mapansin na maraming surot sa lugar. Habang nakaupo sila, nakagat umano ang kanyang mga binti at sobrang kati nito.
Kwento pa niya, hindi niya agad nakuhanan ng video dahil abala siya sa sobrang kati ng kagat. Nang makapag-record siya bago magsara ang mall, medyo humupa na raw ang pamumula pero ramdam pa rin ang hapdi.
Nabanggit din ng netizen na nakakadiri at nakakatakot ang sitwasyon dahil maraming tao ang nauupo at nagpapahinga sa nasabing spot. Nanawagan siya sa pamunuan ng mall na agad kumilos at gumawa ng paraan para matiyak ang kalinisan at kaligtasan ng mga customer.
Bilang paalala, hinikayat niya ang iba na iwasan muna ang pag-upo sa lugar sa harap ng Starbucks hanggang maresolba ang problema.
Larawan mula sa Facebook
