Diskurso PH
Translate the website into your language:

₱1,500 buwanang ayuda sa mga nanay, isinusulong sa Kamara

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-28 12:14:37 ₱1,500 buwanang ayuda sa mga nanay, isinusulong sa Kamara

Manila — Isinulong sa Kamara ang House Bill No. 3141 o mas kilala bilang “Nanay ng Tahanan Act”, na naglalayong kilalanin at bigyan ng kompensasyon ang mga full-time housewives na hindi binabayaran sa kanilang mahalagang papel sa pamilya at lipunan. Ang panukala ay inihain ni Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado.

Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng ₱1,500 buwanang ayuda ang mahihirap na maybahay na walang bayad na trabaho sa bahay at ang tanging gawain ay alagaan ang kanilang mga anak at pamilya. Nakasaad sa Section 2 ng panukala: “It is hereby declared a policy of the State to recognize the work at home of stay-at-home mothers or housewives as valuable economic activity.”

Sakop ng batas ang mga maybahay na kabilang sa pamilyang nasa ilalim ng poverty threshold at walang part-time o home-based work na may kabayaran. Ayon sa Section 3: “The full-time housewives shall care for their children or at least one child with ages 12 years or below, or beyond the age of 12 years old if the child possesses mental incapacity and cannot take care of oneself.”

Itinatakda rin sa Section 5 ang ilang kondisyon upang manatiling kwalipikado ang benepisyaryo. Kabilang dito ang pagpasok ng kanilang mga anak sa pampublikong paaralan na may hindi bababa sa 85% attendance, pagpapakita ng responsible behavior ng mga bata, at pagdalo ng buong pamilya sa quarterly barangay assembly.

Ipapatupad ang batas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang mga lokal na pamahalaan. Ang pondo ay ilalaan sa General Appropriations Act para sa tuloy-tuloy na implementasyon.

Layunin ng HB 3141 na hindi lamang magbigay ng pinansyal na tulong kundi kilalanin din ang kababaihan bilang pangunahing haligi ng tahanan. “The financial compensation shall be released by the DSWD, with the support of the concerned LGUs,” nakasaad pa sa panukala.

Kung maisasabatas, magiging malaking hakbang ito para sa pagkilala sa hindi nababayarang trabaho ng mga ina at asawa sa tahanan—isang ambag na matagal nang haligi ng pambansang pag-unlad.

Ang Lawaran ay AI Generated