Discaya camp: ‘Isantabi na lang ang mga bata’ sa gitna ng imbestigasyon
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-03 17:32:19
MANILA — Umapela ang kampo ng mag-asawang sina Sarah at Curlee Discaya na huwag nang idamay ang kanilang mga anak sa lumalaking kontrobersya kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Malakas po ang loob ng mag-asawang Discaya. Pero huwag na lang po iyong mga anak. Nakikiusap po ako sa inyo,” pahayag ni Atty. Cornelio Samaniego III, legal counsel ng pamilya, sa isang press briefing nitong Miyerkules, Setyembre 3.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, kinumpirma ni Sarah Discaya na hawak nila at ng kanyang asawa ang siyam na construction firms na aktibong nagbi-bid para sa mga proyekto ng DPWH. Ipinunto ng mga senador na posibleng nagkaroon ng conflict of interest dahil sa lawak ng hawak nilang negosyo na konektado sa mga kontrata ng gobyerno.
Bukod dito, tinutukan din ng komite ang hindi bababa sa 28 luxury cars na iniugnay sa pamilya. Kabilang dito ang mga high-end na sasakyang umano’y nakapangalan sa mag-asawang Discaya, bagay na lalong nag-udyok ng tanong hinggil sa pinagmulan ng kanilang yaman. Sa hiwalay na operasyon ng Bureau of Customs, napuna rin ang pagkawala ng ilan sa mga naturang luxury vehicles nang isilbi ang search warrant sa kanilang compound sa Pasig.
Samantala, iginiit ng panig ng mga Discaya na bukas sila sa lahat ng imbestigasyon at handang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila. Gayunpaman, mariin nilang hiniling na huwag nang idawit ang kanilang mga anak sa usapin.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa lawak ng partisipasyon ng mag-asawang Discaya sa mga flood control projects at sa posibleng implikasyon nito sa integridad ng mga public bidding process ng pamahalaan.
Larawan mula sa Ate Sara fb