Diskurso PH
Translate the website into your language:

Protesta sa House, nauwi sa gulo matapos magtapon ng pintura at putik ang mga raliyista

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-05 19:00:39 Protesta sa House, nauwi sa gulo matapos magtapon ng pintura at putik ang mga raliyista

Quezon City — Nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at miyembro ng iba’t ibang progresibong grupo sa harap ng House of Representatives nitong Biyernes matapos magtapon ng putik at pintura ang mga nagpoprotesta laban sa umano’y anomalous flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).


Nagtangkang arestuhin ng mga awtoridad ang ilang raliyistang naging marahas at nagtapon ng pintura at putik sa mga pulis. Umigting ang tensyon nang pumalag ang mga demonstrador at sinubukang ipagpatuloy ang kanilang pagkilos.


Kasama ng mga progresibong grupo ang ilang biktima ng pagbaha na nananawagan ng pananagutan mula sa mga opisyal at kontraktor na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects. Bitbit ng mga raliyista ang mga plakard at tarpaulin na may mga larawan at simbolikong pintura upang kondenahin ang umano’y ghost projects at sobrang laki ng pondong inilaan sa mga imprastrakturang hindi nakapagbigay ng proteksyon laban sa pagbaha.


Ayon sa mga lider ng grupo, bahagi ng kanilang pagkilos ang paglalantad sa umano’y korapsyon na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado sa ilalim ng serye ng pagdinig na tinaguriang “Philippines Under Water.”


Samantala, iginiit ng Quezon City Police District na kinailangan nilang kumilos matapos maging agresibo ang ilang kalahok sa kilos-protesta. Tiniyak naman ng mga awtoridad na mananagot ang mga lalabag sa batas habang iginiit ng mga demonstrador na hindi sila uurong sa panawagan ng transparency at accountability mula sa gobyerno.


Ang Senate Blue Ribbon Committee ay kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig kaugnay ng mga flood control projects ng DPWH, kung saan lumalabas ang mga alegasyon ng ghost projects, license-renting schemes, at monopolyo sa kontrata.


Larawan mula sa The Star