Mag-ama, patay sa buy-bust sa Maguindanao Del Norte; shabu at armas nasamsam
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-06 00:18:31
MAGUINDANAO DEL NORTE — Nasawi ang mag-ama sa isang buy-bust operation matapos umano silang manlaban at makipagbarilan sa mga awtoridad nitong Miyerkules.
Ayon sa ulat Huwebes, nakilala ang mga suspek na kabilang sa isang pamilyang matagal nang itinuturing na “high value target” sa ilegal na kalakalan ng droga sa lugar. Napatay ang ama at isa nitong anak matapos na mapagtanto nilang pulis ang kanilang ka-transaksyon at agad umanong nagpaputok ng baril. Gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa kanilang pagkamatay.
Samantala, isang 18-anyos na anak ng mga nasawi ang naaresto sa operasyon, habang isa pang anak ang nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nakumpiska mula sa operasyon ang tinatayang 240 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang higit ₱1.6 milyon sa merkado, kasama ang dalawang baril at ilang magasin ng bala. Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga nakumpiskang ebidensya bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
Patuloy naman ang manhunt operation laban sa nakatakas na suspek. Iginiit ng pulisya na ang matagumpay na operasyon ay patunay ng kanilang maigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa Maguindanao del Norte, at nagsisilbing babala sa mga sindikato na hindi sila titigilan ng batas.
(Larawan: Adobe Stock / Google)
