Diskurso PH
Translate the website into your language:

Walang kinalaman? Henry Alcantara, iginiit ang pagiging inosente sa gitna ng flood control probe

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-07 11:19:09 Walang kinalaman? Henry Alcantara, iginiit ang pagiging inosente sa gitna ng flood control probe

SETYEMBRE 7, 2025 — Iginiit ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara na wala siyang kinalaman sa mga umano’y pekeng proyekto sa flood control sa lalawigan, sa kabila ng kanyang pagkakasibak sa serbisyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pahayag ng kanyang mga abogado, mariing itinanggi ni Alcantara ang akusasyong siya ang nasa likod ng mga ghost project.

“Engr. Alcantara maintains his innocence: he did not author these alleged ghost projects. Any wrongdoing was done behind his back, without his knowledge, acquiescence, or approval,” ayon sa pahayag.

(Pinaninindigan ni Engr. Alcantara ang kanyang pagiging inosente: hindi siya ang may gawa ng mga sinasabing ghost project. Anumang paglabag ay isinagawa nang palihim, nang wala sa kanyang kaalaman, pahintulot, o pagsang-ayon.)

Dagdag pa sa pahayag, handa raw si Alcantara na harapin ang lahat ng paratang at makipagtulungan sa imbestigasyon.

Noong Setyembre 4, pormal siyang tinanggal sa serbisyo ni DPWH Secretary Vince Dizon dahil sa disloyalty sa republika, grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Sa pagdinig ng Kamara nitong Martes, inamin ni Alcantara na siya ang lumagda sa certificate of completion ng P55 milyong flood control project sa Baliwag, Bulacan — isang proyektong hindi naman natapos. Inamin din niyang gumamit siya ng pekeng ID para makapasok sa mga casino.

Bilang district engineer, hawak ni Alcantara ang 13 bayan sa Bulacan, kabilang ang mga madalas bahain gaya ng Hagonoy, Calumpit, Malolos, at Baliwag. Ayon sa datos mula sa Sumbong ng Pangulo website, ang kanyang tanggapan ang may pinakamalaking alokasyon sa flood control: 450 proyekto na may kabuuang halagang P28.9 bilyon mula 2022 hanggang 2025.

“Engr. Alcantara will contest every accusation that he had supposedly participated in and/or benefitted from any unlawful scheme,” dagdag pa ng pahayag. “We are confident that in due time, the truth will surface and Engr. Alcantara will be cleared of the baseless accusations levied against him.”

(Tututulan ni Engr. Alcantara ang bawat paratang na siya ay sangkot o nakinabang sa anumang ilegal na gawain. Kumpiyansa kami na sa tamang panahon, lalabas ang katotohanan at malilinis ang pangalan ni Engr. Alcantara mula sa mga walang basehang paratang laban sa kanya.)

(Larawan: YouTube)