Diskurso PH
Translate the website into your language:

'License-for-hire' scheme, isiniwalat sa Senado — DPWH daw mismo ang may pakana!

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-08 17:51:52 'License-for-hire' scheme, isiniwalat sa Senado — DPWH daw mismo ang may pakana!

SETYEMBRE 8, 2025 — Isang contractor ang nagbunyag sa Senado ng umano’y sapilitang paggamit ng kanilang lisensya para makasali sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ilalim ng isang sistemang kontrolado umano ng mga tauhan mismo ng ahensya.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Setyembre 8, inamin ni Mark Allan Arevalo, General Manager ng Wawao Builders, na ginamit ang kanilang contractor license nang walang pahintulot.

“Sapilitang ginamit po yung lisensya namin … sa takot po, Your Honor, na maapektuhan ang negosyo namin,” pahayag ni Arevalo. 

Tinukoy ni Arevalo si Sally Santos ng SYMS Construction Trading na siyang gumagamit ng lisensya ng Wawao Builders sa mga bidding, ngunit iginiit niyang ang mga nasa loob ng DPWH ang tunay na may pakana.

“Ang nasa likod po nito ay yung mga nasa loob ng DPWH,” aniya. 

Kinumpirma ni Senador Erwin Tulfo, vice chair ng komite, ang pattern ng “license-for-hire” kung saan ang mga lisensya ng kontraktor ay inuupahan o binibili ng mga dummy company at opisyal ng DPWH.

“They do not construct — they only have their licenses rented out,” paliwanag ni Tulfo. “The DPWH borrows or even buys the license of a contractor, then proceeds with the project. In some cases, they do not build at all.” 

(Hindi sila ang gumagawa — pinapaupa lang ang lisensya. Ang DPWH ang humihiram o bumibili ng lisensya, tapos sila ang gumagawa ng proyekto. Minsan, wala talagang konstruksyon.)

Sa parehong pagdinig, itinuro ni Santos si dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez ng Bulacan 1st District Engineering Office bilang nagbibigay ng utos sa kanya. Pero giit ni Hernandez, utos din lang ito ng kanyang “boss” na si dating District Engineer Henry Alcantara.

Inamin din ni Hernandez na tumanggap siya ng kahon na may laman umanong pera mula sa SYMS, na kukunin na lang daw ni Alcantara sa kanyang opisina.

Dahil sa umano’y pagsisinungaling ni Hernandez sa kanyang madalas na pagpunta sa isang casino sa Parañaque, hiniling ni Tulfo sa komite na siya’y ma-cite in contempt.

(Larawan: YouTube)