Diskurso PH
Translate the website into your language:

700K stick ilegal na sigarilyo nasabat! Oplan Megashopper umarangkada sa Luzon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-08 08:26:59 700K stick ilegal na sigarilyo nasabat! Oplan Megashopper umarangkada sa Luzon

MANILA — Umabot sa mahigit 700,000 stick ng ilegal na sigarilyo ang nasabat ng mga awtoridad sa Luzon sa ilalim ng malawakang kampanyang “Oplan Megashopper,” ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas.

Sa loob ng dalawang buwang operasyon mula Hulyo hanggang Agosto, sunod-sunod ang isinagawang raid sa Quezon City, Tarlac, Cavite, Laguna, Pampanga, at Bataan. Pinakamaraming nasabat na brand ay ang “Carnival,” na lumitaw sa halos lahat ng operasyon bilang pangunahing kontrabando.

Ang unang malaking operasyon ay isinagawa sa Quezon City kung saan nahuli ang isang 29-anyos na online seller na may 20,000 stick ng Carnival. Kasunod nito, dalawang raid sa Bamban, Tarlac ang nagresulta sa pagkaka-aresto ng ilang suspek at pagkakasamsam ng mahigit 37,000 stick ng parehong brand.

Sa Cavite, tatlong suspek ang nahuli na may dalang 50,000 stick ng Carnival Black Menthol. Sa Laguna, isang repeat offender ang muling nahuli na nagbebenta ng assorted counterfeit tobacco products. 

Ngunit ang pinakamalaking operasyon ay isinagawa sa San Simon, Pampanga, kung saan nadiskubre ang isang malaking repacking hub at nasamsam ang 520,000 stick ng Carnival Menthol, kasama ang sealing machines, packaging blanks, at master cases.

Sa Orion, Bataan, isang 42-anyos ang nahuli na may 10,000 stick ng Carnival. Sa Angeles City, Pampanga, isang retail outlet ang sinalakay at nakumpiska ang 20,200 stick na tinatayang nagkakahalaga ng ₱340,000. Sa pinakahuling raid sa Dinalupihan, Bataan, isang 30-anyos ang nahuli na may dalawang master case ng Carnival Menthol at Carnival Red, katumbas ng 20,000 stick.

Ayon sa mga imbestigador, ang mga nasabat na sigarilyo ay kulang sa graphic health warnings at walang excise tax stamps — malinaw na indikasyon ng pagiging ilegal ng produkto. “The confiscated Carnival packs either lacked graphic health warnings or were missing official excise tax stamps,” ayon sa ulat ng CIDG.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Tobacco Regulation Act of 2003, Graphic Health Warning Act, Intellectual Property Code, at iba pang batas laban sa smuggling at economic sabotage. Bukod sa sigarilyo, kinumpiska rin ang mga sasakyan, repacking equipment, cellphone, at marked money bilang ebidensya.

Ang kampanya ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang ng pamahalaan upang labanan ang talamak na kalakalan ng ilegal na tabako, na sinasabing dahilan ng pagbaba ng kita mula sa tobacco excise tax — mula ₱174 bilyon noong 2021, bumaba ito sa ₱134 bilyon noong nakaraang taon.