Diskurso PH
Translate the website into your language:

Flood control controversy: nga pinangalanan, mariing nagdepensa

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-08 19:21:48 Flood control controversy: nga pinangalanan, mariing nagdepensa

Setyembre 8, 2025 – Mariing itinanggi ng ilang mambabatas at opisyal ng pamahalaan ang pagkakasangkot nila sa umano’y iregularidad sa mga flood control project matapos pangalanan ng mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya bilang tumatanggap umano ng porsyento mula sa mga kontrata.


Iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na hindi siya kailanman tatanggap ng suhol at tinawag niyang “maling paratang at name-dropping” ang alegasyon laban sa kanya. Aniya, hindi dapat hayaang sirain ng kasinungalingan ang tiwala ng publiko sa Kongreso.


Ganito rin ang naging pahayag ni Marikina Rep. Marcy Teodoro na nagsabing pinipilit lamang siyang idawit matapos niyang ibunyag ang umano’y double funding sa ilang proyekto ng DPWH. Ayon sa kanya, malinaw na diversionary tactic ang paggamit sa kanyang pangalan upang mailihis ang usapin sa isyu ng katiwalian.


Sa Pasig, mariin ding itinanggi ni Rep. Roman Romulo ang mga akusasyon at iginiit na hindi siya kailanman nasangkot sa anumang bidding o pagpili ng kontratista para sa mga proyekto ng DPWH. Tinawag niyang walang basehan ang mga paratang at hamon niya sa kanyang mga akusador na maglabas ng malinaw na ebidensya.


Naglabas din ng opisyal na pahayag si Occidental Mindoro Rep. Leody “Odie” Tarriela na nagsabing wala siyang tinatanggap na pera o pabor mula sa mag-asawang Discaya. Giit niya, tungkulin ng DPWH ang pagpapatupad ng malalaking proyekto gaya ng flood control at hindi ng mga kongresista.


Samantala, kinondena ni San Jose del Monte City Mayor Florida “Rida” Robes ang paggamit ng kanyang pangalan at iginiit na walang ghost projects sa kanilang lungsod. Binigyang-diin niyang pang-world class ang mga imprastraktura sa San Jose del Monte at inanunsyo ang pagsasampa ng kasong libelo laban kay Curlee Discaya.


Maging si Quezon City Rep. Arjo Atayde ay naglabas ng pahayag sa kanyang social media account at mariing itinanggi ang alegasyon na siya ay nakinabang mula sa sinumang kontraktor. Ayon sa kanya, hindi niya kailanman gagamitin ang kanyang posisyon para sa pansariling kapakinabangan at gagamitin niya ang lahat ng legal na remedyo upang linisin ang kanyang pangalan.


Bukod sa mga kongresista at lokal na opisyal, tumanggi ring tumanggap ng pera mula sa Discaya couple sina DPWH Regional Director Eduarte Virgilio at dating District Engineer Henry Alcantara.


Magkakapareho ang naging linya ng pahayag ng mga pinangalanan: lahat sila’y mariing tumanggi sa akusasyon at nanindigang kasinungalingan at paninira lamang ang mga paratang ng mag-asawang Discaya.