Historic Senate coup! Chiz Escudero out, Tito Sotto balik-Senate President
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-08 19:41:56
MANILA — Isang makasaysayang pagbabago sa liderato ng Senado ang naganap ngayong Lunes matapos mapatalsik si Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President at palitan ni dating Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III. Labinlimang senador ang bumoto pabor sa pagpapalit ng liderato.
Si Escudero ay napaalis sa puwesto matapos lamang ang 15 buwan mula nang palitan niya si dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri noong Mayo 2024. Ayon sa mga ulat, ang pagbabagong ito ay dulot ng lumalalang kontrobersiya sa flood control projects ng pamahalaan, kung saan nasangkot si Escudero sa umano’y anomalya sa P142.7 bilyong infrastructure insertions sa pambansang budget.
Isang source mula sa Senado ang nagsabi, “The senators believe that installing a new leadership would be the best course of action for the Senate to safeguard its integrity, independence and credibility as an institution."
Bago ang kanyang muling pagkakahalal, si Sotto ay nagsilbing Senate President mula 2018 hanggang 2022. Sa panayam, tinanong si Sotto tungkol sa posibilidad ng pagpapalit ng liderato, at sagot niya: “God permitting."
Kasama ni Sotto sa bagong majority bloc ang mga dating miyembro ng minorya: sina Senators Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Loren Legarda, at Migz Zubiri. Si Lacson ay inaasahang magiging Senate President Pro Tempore, habang si Zubiri ay muling hahawak sa posisyong Senate Majority Leader na dati na niyang hinawakan mula 2008–2010 at 2018–2022.
Samantala, si Escudero ay sasama sa bagong minorya kasama ang mga tinaguriang “Duterte senators” — sina Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Go, Imee Marcos, at Robinhood Padilla.
Ang biglaang pagbabago sa liderato ay naganap sa unang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso. Ayon sa Politiko, ang galit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y “pinakamalalang corruption scandal” sa kanyang administrasyon ay isa sa mga nagtulak sa mga senador na kumilos.
Sa kabila ng kontrobersiya, nananatiling tahimik si Escudero sa mga akusasyon. Wala pa siyang opisyal na pahayag ukol sa kanyang pagkakatanggal.
Ang Senado ay inaasahang maglalabas ng opisyal na resolusyon sa mga susunod na araw upang pagtibayin ang bagong liderato.