Diskurso PH
Translate the website into your language:

Zaldy Co, nagsalita na! Paratang ng mga Discaya, tsismis lang at may halong pulitika

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-08 18:15:47 Zaldy Co, nagsalita na! Paratang ng mga Discaya, tsismis lang at may halong pulitika

SETYEMBRE 8, 2025 — Sa gitna ng lumalalim na kontrobersya sa umano’y “budget insertions” sa 2025 General Appropriations Act (GAA), nagsalita na si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co upang pabulaanan ang mga akusasyong ibinato sa kanya ng mag-asawang kontratista na sina Curlee Discaya at Sarah Discaya.

Sa kanyang pahayag nitong Lunes, iginiit ni Co na walang basehan ang mga paratang at layunin lamang nitong guluhin ang publiko.

“I vehemently deny all the baseless and irresponsible accusations made against me during the Senate hearing held today,” ani Co. “These unsubstantiated claims, which attempt to implicate me, are not only hearsay but are also politically motivated designed to mislead the public and deflect accountability.” 

(Mariin kong itinatanggi ang lahat ng walang basehang at iresponsableng akusasyon laban sa akin sa isinagawang pagdinig sa Senado ngayong araw. Ang mga paratang na ito ay tsismis lamang at may layuning lituhin ang publiko at ilihis ang pananagutan.)

Ito ang unang beses na nagsalita si Co ukol sa isyu.

Bilang dating chairman ng House committee on appropriations, binigyang-diin ni Co na dumaan sa tamang proseso ang 2025 GAA m— aprubado ng Kongreso at pinirmahan ng Pangulo. Aniya, may ilang probisyon pa ngang vineto ng Pangulo at hindi pinayagang pondohan.

Gayunpaman, tumanggi si Co na magbigay ng karagdagang komento ukol sa budget dahil may nakabinbing kaso sa Korte Suprema at sa Ombudsman.

“The validity of the 2025 GAA is currently the subject of a case before the Supreme Court and the Ombudsman,” dagdag pa niya. “For this reason, I am unable to comment on the matter to the public but reserve my right to comment on this matter, if and when, required by the courts where this matter is pending.” 

(Ang bisa ng 2025 GAA ay kasalukuyang bahagi ng kaso sa Korte Suprema at sa Ombudsman. Dahil dito, hindi ako maaaring magbigay ng pahayag sa publiko ngunit pinananatili ko ang karapatang magsalita kung kakailanganin ng korte.)

Kasalukuyang nasa Estados Unidos si Co para magpagamot.

Nag-ugat ang kontrobersya matapos mabunyag sa Senate blue ribbon committee hearing ang umano’y paghingi ng pera ng ilang kongresista mula sa mga kontratista kapalit ng proyekto sa kanilang distrito. 

Bagamat hindi direktang binanggit si Co sa transaksyon, sinabi ng Discaya couple na may mga mambabatas na humingi ng 25% ng halaga ng proyekto para umano kay Co at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Tumugon si Romualdez sa paratang, at nilinaw na kung ginamit man ang kanyang pangalan sa pagkuha ng pondo, ito ay ginawa nang walang pahintulot mula sa kanya.

“I am a self-made individual and have never accepted any bribe from anyone,” ani Romualdez. 

(Ako ay isang self-made na tao at kailanman ay hindi tumanggap ng suhol mula kanino man.)

Samantala, si Co ay binatikos din ni Navotas Rep. Toby Tiangco, na nagsabing may P13 bilyong halaga ng insertions si Co sa 2025 budget na napunta sa Ako Bicol at sa Barangay Health Workers party-list na kinatawan ng kanyang pamangkin, si dating Rep. Natasha Co.

Noong Agosto pa lamang ay nanawagan na si Tiangco na ilabas ang lahat ng pagbabago sa budget na ginawa ng small committee upang patunayan ang sinseridad ng liderato ng Kamara sa reporma.

Ayon kay Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, wala pang pondo mula sa mga alokasyong iniuugnay kay Co ang nailalabas. Sa kaso ni Tiangco, nasa P529 milyon na umano ang na-download sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan 70% ay para sa flood control sa Navotas.

Ang DPWH ay nakipagkontrata sa St. Timothy Construction Corp. — kumpanyang pag-aari ng Discaya couple.

Nag-ugat ang panawagan para sa transparency matapos ang talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na SONA, kung saan mariin niyang kinondena ang mga opisyal at kontratistang umano’y kumita mula sa mga proyektong hindi maayos habang binabaha ang mamamayan.

Sa huli, naglabas ang Pangulo ng listahan ng mga kontratista at flood control projects na may problema o hindi natapos.

Dahil dito, lalong lumakas ang hinala ng publiko sa ugnayan ng ilang mambabatas at kontratista, kabilang sina Co, Senate President Francis Escudero, at ang mga Discaya.

(Larawan: Philippine News Agency)