Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mas maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho ayon sa pinakabagong datos ng PSA

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-10 15:45:14 Mas maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho ayon sa pinakabagong datos ng PSA

Setyembre 10, 2025 — Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ngayong Hulyo 2025, batay sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).


Ayon sa ulat, umakyat sa 5.3% ang unemployment rate ngayong Hulyo, mas mataas kumpara sa 4.1% na naitala noong Abril 2025 at 4.7% noong Hulyo 2024. Sa bilang, katumbas ito ng humigit-kumulang 2.59 milyong Pilipinong walang trabaho, higit na mataas kaysa 2.06 milyon noong Abril at 2.38 milyon noong kaparehong buwan ng nakaraang taon.


Dahil dito, bumaba rin ang employment rate ng bansa sa 94.7% mula 95.9% noong Abril at 95.3% noong Hulyo 2024. Ang kabuuang bilang ng mga may trabaho ay nasa 46.05 milyon, mas mababa sa 48.67 milyon noong Abril at 47.68 milyon noong nakaraang taon.


Ipinakita rin ng PSA na lumiit ang labor force participation rate (LFPR), na nangangahulugang mas kaunti ang mga Pilipinong pumasok sa merkado ng trabaho. Naitala ngayong Hulyo ang 48.64 milyon na kabilang sa labor force, mas mababa sa 50.06 milyon noong Hulyo 2024 at 50.74 milyon noong Abril 2025.


Samantala, tumaas din ang underemployment rate o bilang ng mga manggagawang naghahanap ng dagdag na oras ng trabaho o karagdagang pagkakakitaan. Mula 12.1% noong Hulyo 2024, umakyat ito sa 14.8% ngayong Hulyo 2025. Katumbas ito ng 6.80 milyong Pilipino mula sa 46.05 milyon na kasalukuyang may trabaho.


Ipinapakita ng mga datos na mas maraming manggagawang Pilipino ang nahihirapan hindi lamang sa paghahanap ng trabaho kundi pati sa pagkakaroon ng sapat na kita mula sa kanilang kasalukuyang hanapbuhay.


Larawan mula sa Google