Diskurso PH
Translate the website into your language:

Brice Hernandez, humiling ng proteksyon matapos ilipat sa Pasay City Jail

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-11 14:38:01 Brice Hernandez, humiling ng proteksyon matapos ilipat sa Pasay City Jail

SETYEMBRE 11, 2025 — Naghain ng petisyon ng writ of amparo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez sa Pasay Regional Trial Court, kasunod ng kanyang kontrobersyal na paglipat sa Pasay City Jail.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ernest Levanza, layunin ng petisyon na makakuha ng pansamantalang proteksyon para kay Hernandez, pati na rin ang paglalagay sa kanya sa Witness Protection Program.

“Here is my client, courageously divulging details, and yet he was brought to Pasay City Jail,” pahayag ni Levanza. 

(Narito ang kliyente ko, matapang na nagsisiwalat ng mga detalye, pero dinala pa rin sa Pasay City Jail.)

Dagdag pa niya, hindi pa nasasampahan ng kaso o nahahatulan si Hernandez, kaya’t nakababahala ang desisyong ilipat ito sa kulungan. 

“He is not yet accused of anything nor convicted. Tapos dinadala natin sa Pasay City Jail? What signal is the Senate trying to impress?” aniya. 

(Hindi pa siya nasasampahan ng kaso o nahahatulan. Tapos dadalhin sa Pasay City Jail? Anong mensahe ang gustong iparating ng Senado?)

Nauna nang inilipat si Hernandez sa PNP Custodial Center matapos niyang igiit sa House of Representatives na may banta sa kanyang kaligtasan. Lalong lumala umano ang mga pagbabanta matapos niyang pangalanan sina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa umano’y iregular na flood control projects.

Sa mga pagdinig sa Senado at Kamara, inamin ni Hernandez na ang kanyang dating opisyal na si Henry Alcantara ang nagdala sa kanya sa mga casino, at nag-utos sa ilang tauhan ng DPWH na maghatid ng pera sa mga nakikinabang sa proyekto.

Isiniwalat din ni Senador Panfilo Lacson na si Hernandez at apat pang kasamahan mula sa Bulacan District 1 ay may transaksiyong umabot sa mahigit P1 bilyon sa mga casino, batay sa tala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Dahil sa mga alegasyon, sinibak sa serbisyo sina Hernandez, Alcantara, at iba pang opisyal ng DPWH sa nasabing distrito.

Sa kabila ng mga pagsisiwalat, iginiit ng kampo ni Hernandez na hindi dapat siya ilagay sa Pasay City Jail, lalo’t hindi ito napag-usapan bilang opsyon sa mga naunang deliberasyon.

“The PNP Custodial Facility is actually a better option. We don’t even understand why it has to be here in the Pasay City Jail,” giit ni Levanza. 

(Mas mainam sana ang PNP Custodial Facility. Hindi namin maintindihan kung bakit kailangan pa sa Pasay City Jail.)

Sa ngayon, hinihintay pa ang desisyon ng korte kaugnay sa petisyon para sa proteksyon ni Hernandez.

(Larawan: YouTube)