‘Best actor yernnnn’: Ridon nag-post ng patama sa ‘batchmate’ matapos mabanggit sa flood control probe
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-19 09:39:47
MANILA — Matapos dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control corruption scandal, nag-post si Rep. Terry Ridon ng isang matalim na mensahe sa social media na tila patama sa isang “batchmate” — na pinaniniwalaang si Senador Jinggoy Estrada.
Sa kanyang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Ridon:
“Inamin na ni Henry Alcantara na kayo yung magkausap sa Viber disappearing messages, hindi nga lang tungkol sa flood control.”
“Nahanap na rin ni Sen Ping Lacson sa unprogrammed funds yung P600M projects na binabanggit ni Brice Hernandez.”
“Lininaw ni Jaypee Mendoza na 2022 ang usapan ninyo ni Henry Alcantara, sakto sa panahon ng confirmation ni former DPWH Secretary Manny Bonoan.”
At sa dulo ng kanyang post:
“Best actor yernnnn.”
Bagama’t walang direktang pangalan ang binanggit, napansin ng mga netizen ang salitang “batchmate” sa post, na tila tugon sa naunang banat ni Estrada. Noong nakaraang linggo, ibinahagi ni Estrada ang umano’y yearbook photo ni Ridon kasama si Brice Hernandez, dating DPWH assistant district engineer na testigo sa imbestigasyon. Nilagyan pa ito ng hashtags na #BatchmateSila at #InvestigationOReunion.
Agad itong pinabulaanan ni Ridon, sinabing hindi niya kilala si Hernandez at hindi sila naging kaklase. “’Di ko man lang maalala, ‘di ko man lang naging kaklase si Brice sa Lourdes QC bago ako nagpuntang Ateneo,” ani Ridon sa kanyang Facebook post. Tinuligsa rin niya si Estrada sa paglalabas ng personal na impormasyon, kabilang ang address ng kanyang lola, na makikita sa yearbook photo.
Ang Senate Blue Ribbon Committee, sa pamumuno ni Sen. Panfilo Lacson, ay patuloy na nag-iimbestiga sa mga ghost at substandard flood control projects, kung saan ilang mambabatas at contractor ang nadadawit. Sa gitna ng tensyon, tila nagiging personal na rin ang bangayan sa pagitan ng ilang opisyal, habang lumalalim ang imbestigasyon.