Dating DPWH execs, dawit na naman sa flood control scandal; mag-asawang Discaya, oportunista?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-22 08:44:37
SETYEMBRE 22, 2025 — Naglabas ng bagong impormasyon si Senador Panfilo Lacson kaugnay sa imbestigasyon ng Senado sa umano’y malawakang katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular sa Bulacan First District Engineering Office (DEO).
Ayon kay Lacson, may mga bagong detalye na lumutang kaya’t naghahanda na ang Senate Blue Ribbon Committee ng mga imbitasyon para sa ilang dating opisyal ng DPWH, kabilang sina dating kalihim Manuel Bonoan at retiradong undersecretary Roberto Bernardo.
Si Bernardo ay nakunan ng litrato kasama ang tinaguriang “BGC Boys.” Isa sa mga nasa larawan ay si Henry Alcantara, na itinalaga ni Bernardo sa DEO, kasama si Brice Hernandez. Ang larawan ay kuha sa bahay ni Loren Cruz, umano’y bagman ni Alcantara.
“What was Bernardo doing in that gathering with the BGC Boys? He has some explaining to do,” ani Lacson.
(Ano’ng ginagawa ni Bernardo sa pagtitipon ng BGC Boys? May dapat siyang ipaliwanag.)
Samantala, si Bonoan naman ang itinuturong may kapangyarihang magtalaga ng mga opisyal sa ahensya. Kailangan umano niyang magpaliwanag kung paano naipadala ang mahigit P600 milyon mula kay Sally Santos, may-ari ng SYMS Construction, patungo sa DEO ngayong taon. Si Santos ay nasa ilalim na ng proteksyon ng Philippine National Police.
Kapag may ebidensyang magpapatunay ng komisyon o kickback, agad itong isusumite ni Lacson sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sa hiwalay na imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso.
“Even if the Blue Ribbon Committee has not finished its probe or come out with a committee report, I will send those pieces of evidence to the ICI to help in its own investigation,” ani Lacson.
(Kahit hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee, isusumite ko ang ebidensya sa ICI para makatulong sa kanilang sariling pagsisiyasat.)
Bukod dito, nakatakdang makipagpulong ngayong araw sina Lacson at Senate President Vicente Sotto III kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla upang talakayin ang posibilidad na gawing state witness sina Hernandez at mag-asawang Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya.
Bagama’t nagpapakita na ng pagsisisi si Hernandez, si Curlee Discaya ay tinawag ni Lacson na “opportunistic” matapos tumangging makipagtulungan sa kabila ng legislative immunity.
“They should not obligate the government to assist them because they already cheated the government,” ani Lacson.
(Hindi nila dapat obligahin ang gobyerno na tulungan sila dahil niloko na nila ito.)
Inaasahang lalalim pa ang imbestigasyon sa mga susunod na linggo.
(Larawan: Ping Lacson)