Opong lumakas muli bilang typhoon habang palabas ng PAR
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-27 08:24:29
MANILA — Muling naging isang ganap na bagyo (typhoon) ang Tropical Cyclone Opong habang ito’y papalayo sa bansa at patungo sa hangganan ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA nitong Sabado ng umaga.
Sa 5:00 a.m. bulletin ng PAGASA, namataan si Opong sa layong 505 kilometro kanluran ng Indang, Cavite, taglay ang maximum sustained winds na 120 km/h at gustiness na hanggang 150 km/h. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h, at inaasahang lalabas ng PAR ngayong Sabado ng umaga o tanghali.
Ayon sa PAGASA, “Opong is forecast to intensify further as it approaches northern Vietnam.” Bagama’t papalayo na ito sa bansa, anim na lugar pa rin ang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1, kabilang ang mga bahagi ng Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at ang Calamian Islands.
Dahil sa trough ni Opong, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA. Sa Visayas at Mindanao, ang Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ni Opong ang magdadala ng malalakas na hangin at pag-ulan.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa sampung katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyo, karamihan sa Bicol Region at Eastern Visayas. Mahigit 1.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa iba’t ibang rehiyon.
Samantala, iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na halos 7,000 pasahero at truck drivers ang stranded sa 99 sea ports sa buong bansa dahil sa masamang panahon. Kasama rito ang 2,639 rolling cargoes, 80 vessels, at 31 motor bancas na pansamantalang hindi pinayagang bumiyahe.
Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa isang cloud formation sa silangan ng bansa na maaaring maging low-pressure area (LPA) sa unang linggo ng Oktubre. Bagama’t mababa pa ang tsansa nitong maging tropical cyclone, binabantayan ito bilang posibleng makaapekto sa Luzon sa mga susunod na araw.
