Bagong MySSS Card, may dual function — official ID na, debit card pa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-02 09:21:31
OKTUBRE 1, 2025 — Simula Oktubre 1, tatanggap na ang Social Security System (SSS) ng aplikasyon para sa bagong MySSS Card — isang official ID na puwede din gamitin bilang debit card. Papalitan nito ang dating UMID card at may kakayahang kumonekta sa savings account ng miyembro.
Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph De Claro, “Once members apply for the MySSS Card, we will link their partner bank savings accounts to SSS for benefits, loans, and other proceeds.”
(Kapag nag-apply ang mga miyembro para sa MySSS Card, ikokonekta namin ang savings account nila sa partner bank para sa benepisyo, pautang, at iba pang pondo.)
Ang card ay may EMV chip na konektado sa PhilSys eVerify system, kaya may biometric authentication na rin. Puwede itong gamitin sa pamimili, pamasahe, at online transactions.
Unang mag-iisyu ng card ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) sa pamamagitan ng DiskarTech. Sa mga susunod na buwan, inaasahang susunod ang Asia United Bank, China Bank, at UnionBank.
Puwedeng pumili ang miyembro kung aling bangko ang gusto nilang gamitin, basta pumayag sila sa data sharing sa pagitan ng SSS, PhilSys, at bangko. Ang aplikasyon ay puwedeng gawin sa My.SSS portal. Target ng ahensya na maipadala ang card sa loob ng 15 araw sa Metro Manila, at 20 araw sa mga probinsya.
Bukod sa bagong card, inilunsad din ng SSS ang LoanLite — isang micro-lending program na may 8% interest kada taon. Layunin nitong tulungan ang mga manggagawang Pilipino, kabilang ang mga nasa abroad, na makaiwas sa mapagsamantalang pautang.
Ang LoanLite ay may flexible terms mula 15 hanggang 90 araw, at ang loan proceeds ay direktang ipapasok sa UnionBank account o MySSS Card ng miyembro.
“Through our partnership with UnionBank, we are taking a bold step toward protecting our members from exploitative lending and enhancing their access to responsible financial services,” ani De Claro.
(Sa pakikipagtulungan namin sa UnionBank, gumagawa kami ng matapang na hakbang para protektahan ang mga miyembro laban sa mapagsamantalang pautang at mapalawak ang access nila sa responsableng serbisyong pinansyal.)
Layunin ng SSS na gawing mas madali, mas mabilis, at mas ligtas ang pag-access sa benepisyo at serbisyo ng ahensya sa pamamagitan ng digital banking.
(Larawan: Philippine Social Security System - SSS | Facebook)