Diskurso PH
Translate the website into your language:

Death toll sa Cebu quake umabot na sa 63 — DOH

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-01 17:57:07 Death toll sa Cebu quake umabot na sa 63 — DOH

CEBU CITY — Umakyat na sa 63 ang bilang ng mga nasawi sa malakas na magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu noong Setyembre 30, ayon sa Department of Health (DOH). Kinumpirma ito ni Health Secretary Ted Herbosa sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kaugnay ng panukalang ₱320.5-bilyong budget ng ahensya para sa taong 2026.

"I'm told there are about 63 casualties already and we've sent actually four teams," pahayag ni Herbosa sa mga senador. Dagdag pa niya, nagpadala na ang DOH ng apat na medical teams upang tumugon sa mga lugar na matinding naapektuhan ng lindol.

Ang epicenter ng lindol ay naitala sa 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, na may lalim na limang kilometro. Una itong iniulat bilang magnitude 6.7 ngunit kalaunan ay itinaas sa 6.9 matapos ang mas masusing pagsusuri ng PHIVOLCS. Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig, na nagdulot ng matinding pinsala sa mga estruktura sa Cebu, kabilang ang mga simbahan, paaralan, at establisyemento.

Ayon sa Department of Education (DepEd), 34 silid-aralan ang tuluyang nasira, habang 26 ang may major damage at 127 ang may minor damage. Sa kabila nito, walang naiulat na nasugatang mag-aaral.

Sinabi rin ni Herbosa na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang gastusin sa ospital ng mga nasugatan. “I’ve actually asked our PhilHealth president to issue a similar issuance that we issued during Typhoon Haiyan wherein all of these patients will be covered on a no-balance billing with PhilHealth para pati 'yung mga casualties sa earthquake, makapunta sa private hospital and then ma-treat sila,” aniya.

Bukod sa medikal na tulong, magpapadala rin ang DOH ng mental health at psychosocial support teams para sa mga naapektuhan. May nakalaang ₱166 milyong quick response fund ang ahensya, ngunit sinabi ni Herbosa na hihingi siya ng karagdagang pondo mula kay Budget Secretary Amenah Pangandaman para sa Bogo City at Masbate.

Samantala, iniulat ng Department of Budget and Management (DBM) na may standby calamity fund ang pamahalaan na nagkakahalaga ng ₱8.008 bilyon sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF). Ito ay nakalaan para sa relief at rehabilitasyon ng mga lugar na tinamaan ng sakuna.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. “Buong puso akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at kasama sa aking mga dasal ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng lindol,” ayon sa kanyang opisyal na pahayag.

Larawan mula sa CPAC