DSWD, sasagutin ang pagpapalibing ng mga nasawi sa lindol sa Cebu
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-01 19:01:41
OKTUBRE 1, 2025 — Maglalaan ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa lindol na yumanig sa Cebu noong Setyembre 30.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, sasagutin ng ahensya ang gastusin sa pagpapalibing ng mga nasawi. Bukod dito, magbibigay rin ng ₱10,000 na ayuda ang Field Office 7 sa bawat pamilyang namatayan.
“The DSWD’s Field Office Central Visayas is now accounting the number of casualties and their location. Our social workers will also talk to the concerned families to inform them that the DSWD will shoulder the burial expenses of their loved ones,” pahayag ni Dumlao.
(Tinutukoy na ng DSWD Field Office Central Visayas ang bilang at lokasyon ng mga nasawi. Makikipag-ugnayan din ang aming mga social worker sa mga pamilya upang ipaalam na sasagutin ng DSWD ang gastos sa pagpapalibing ng kanilang mahal sa buhay.)
Batay sa ulat ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi, nasugatan, at nawawala. Idineklara na rin ang state of calamity sa buong lalawigan upang mapabilis ang paggalaw ng pondo at tulong mula sa pamahalaan.
Mula Masbate, kung saan kasama niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamahagi ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Ompong, inatasan si DSWD Secretary Rex Gatchalian na tumungo sa Cebu upang personal na pangasiwaan ang relief operations.
Inaasahang bibisita si Gatchalian sa mga apektadong lugar upang tiyaking natutugunan ang pangangailangan ng mga evacuee at nawalan ng tirahan.
Samantala, pinangunahan nina DSWD Undersecretary Diana Rose Cajipe, Assistant Secretary Ulysses Aguilar, at Regional Director Shalaine Marie Lucero ang masusing assessment sa Bogo City — isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng lindol.
(Larawan: DSWD Field Office 7 - Central Visayas | Facebook)