PCG nagluluksa sa pagkasawi ng 3 kawani sa gitna ng lindol sa Cebu
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-01 14:36:26
CEBU — Labis ang pagdadalamhati ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos masawi ang tatlong kawani nito nang gumuho ang San Remegio Sports Complex sa San Remegio, Cebu, kasabay ng pagtama ng magnitude 6.9 na lindol noong Martes ng gabi, Setyembre 30, 2025.
Kinilala ang mga nasawi na sina Seaman Second Class Lawrence Palomo PCG, Apprentice Seaman Jujay Mahusay PCG, at Apprentice Seaman Ert Cart Dacunes PCG. Agad silang isinugod sa Bogo General Hospital para sa agarang lunas, ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.
Batay sa inisyal na ulat, nagsisilbing pansamantalang evacuation site ang sports complex nang mangyari ang malakas na pagyanig. Dahil sa biglaang pagbagsak ng bahagi ng gusali, nadaganan ang tatlong miyembro ng Coast Guard na noon ay aktibong tumutulong sa pag-aasikaso ng mga evacuee at pagpapanatili ng kaayusan sa lugar.
Sa opisyal na pahayag, nagpaabot ng pakikiramay si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan:
“Taos-puso naming ipinapaabot ang aming pakikiramay sa mga pamilya ng aming nasawing tauhan. Hindi malilimutan ang kanilang dedikasyon at paglilingkod sa bayan. Sisiguruhin ng PCG na maibibigay ang lahat ng suporta at benepisyo sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay,” ani Gavan.
Dagdag pa ni Gavan, ang tatlong nasawi ay hindi lamang kawani ng PCG kundi mga kababayang nag-alay ng kanilang lakas at buhay sa gitna ng sakuna upang makapaglingkod sa kapwa.
Samantala, nagpapatuloy ang search and rescue operations sa iba’t ibang bahagi ng Cebu na matinding tinamaan ng lindol. Ayon sa PHIVOLCS, umabot na sa higit 600 aftershocks ang naitala, kung saan apat ang nadama ng publiko at may lakas na mula 1.4 hanggang 4.8 magnitude.
Idineklara na rin ng pamahalaang panlalawigan ang state of calamity upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo at paghahatid ng agarang tulong sa mga nasalanta.
Nanawagan ang PCG at iba pang ahensya ng gobyerno sa publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng awtoridad, at makiisa sa mga hakbang para sa kaligtasan ng lahat.
Ang pagkasawi nina Palomo, Mahusay, at Dacunes ay nag-iwan ng malalim na sugat hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa hanay ng PCG at sa sambayanang Pilipino na kanilang pinagsilbihan.
Larawan mula sa Philippine Coast Guard