BPO employees, naghain ng reklamo matapos papasukin matapos ang lindol
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-02 17:04:39
CEBU CITY — Pormal nang nagsampa ng reklamo ngayong Oktubre 2 ang BPO Industry Employees Network (BIEN) – Cebu sa Department of Labor and Employment – Regional Office 7 (DOLE-RO7) laban sa 30 business process outsourcing (BPO) companies na umano’y lumabag sa mga batas sa paggawa at occupational safety sa kasagsagan ng magnitude 6.9 na lindol noong Setyembre 30.
Ayon sa BIEN-Cebu, nakatanggap sila ng mahigit isang daang ulat mula sa mga empleyado na pinilit umanong pumasok sa trabaho sa kabila ng kanilang pagmamakaawa na unahin ang kaligtasan ng kanilang pamilya. “Agents were also being forced to report to work, despite their pleas to focus on their safety and their families during this crisis,” ayon sa pahayag ng grupo.
Kabilang sa mga ulat ay ang isang kumpanya na umano’y nag-utos sa mga empleyado na ipagpatuloy ang pagtanggap ng tawag sa gitna ng pagyanig, habang isa pang kompanya ang iniulat na nag-block ng exit sa isa sa mga palapag ng gusali, na nagdulot ng panganib sa mga empleyado.
Dagdag pa ng BIEN, maraming insidente ang naitala kung saan ang mga empleyado na tumangging pumasok ay binigyan ng “notices to explain,” sinailalim sa administrative sanctions, at tinanggalan ng attendance incentives at iba pang benepisyo. “Multiple incidents of employees insisting on not reporting to work were met with Notices-to-explain (NTEs), administrative sanctions, loss of attendance incentives and benefits, among many retaliatory actions,” ayon sa grupo.
Nanawagan ang BIEN sa DOLE na imbestigahan ang mga alegasyon at panagutin ang mga employer na lumabag sa Republic Act No. 11058 o ang Occupational Safety and Health Standards Law, pati na rin sa iba pang kaugnay na labor issuances.
“Workers must not be compelled to risk their lives during disasters just to keep business running. Safety and family welfare should come first,” giit ng BIEN-Cebu.
Ang reklamo ay isinampa habang nananatiling nasa ilalim ng state of calamity ang Cebu bunsod ng lindol na ikinasawi ng 72 katao at ikinasugat ng mahigit 200, ayon sa Office of Civil Defense Region 7. Tinatayang 47,000 pamilya o mahigit 170,000 indibidwal ang naapektuhan sa Central Visayas.
Larawan mula sa BIEN-Cebu
