Diskurso PH
Translate the website into your language:

PAGASA: Panibagong bagyo posible sa loob ng 24 oras

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-04 17:45:13 PAGASA: Panibagong bagyo posible sa loob ng 24 oras

MANILA — Habang tuluyan nang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Severe Tropical Storm Paolo (international name: Matmo) nitong Sabado ng umaga, namataan naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang bagong tropical cyclone sa labas ng PAR na posibleng pumasok sa bansa sa mga susunod na araw.

Ayon sa PAGASA, ang low pressure area (LPA) na unang namataan sa layong 2,320 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon ay naging tropical depression na bandang alas-2 ng hapon, Oktubre 4. Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 km/h at pagbugso na umaabot sa 70 km/h, habang kumikilos pa-north northwest sa bilis na 10 km/h.

Bagamat malayo pa ito sa kalupaan, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Grace Castañeda na may medium chance itong maging ganap na bagyo sa loob ng 24 oras. “However, if the conditions or environment for the LPA become more favorable, we do not rule out the possibility that it could develop into a tropical depression within the day,” ani Castañeda sa isang press briefing.

Samantala, si Bagyong Paolo ay huling namataan sa layong 570 km kanluran ng Sinait, Ilocos Sur, taglay ang lakas ng hangin na 110 km/h at pagbugso na 135 km/h. Bagamat wala na ito sa PAR, nananatiling nakataas ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Northern Luzon dahil sa epekto ng outer rainbands ng bagyo.

Nagbabala rin ang PAGASA sa storm surges na maaaring umabot sa 1 hanggang 2 metro sa mga baybaying-dagat ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at Zambales. Nanatiling moderate to rough ang kondisyon ng dagat sa mga seaboards ng Northern Luzon, kaya’t pinayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.

Ayon sa PAGASA, inaasahang papasok sa PAR ang bagong tropical depression sa Lunes ng gabi, Oktubre 6, o Martes ng umaga, Oktubre 7, ngunit posibleng manatili ito sa hilagang hangganan ng PAR at hindi direktang makaapekto sa bansa.

Patuloy ang monitoring ng PAGASA sa galaw ng bagong weather disturbance, at nanawagan ito sa publiko na manatiling alerto sa mga susunod na advisory.