Diskurso PH
Translate the website into your language:

6 patay sa magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental — OCD

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-10-11 08:23:37 6 patay sa magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental — OCD

DAVAO ORIENTAL — Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.4 na lindol na yumanig sa karagatan malapit sa Manay, Davao Oriental noong Oktubre 10, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD).

Tatlo sa mga nasawi ay mula sa Mati City, kabilang ang isang 57-anyos na babae na natabunan ng bumagsak na perimeter wall habang tumatakas mula sa boarding house kung saan siya pansamantalang naninirahan. Ayon sa Mati City Information Office, bumalik umano ang biktima upang kunin ang kanyang tuwalya nang biglang bumagsak ang pader.

Dalawa pang biktima ay mula sa Pantukan, Davao de Oro, habang isa ay mula sa Davao City — isang 80-anyos na lalaki na natamaan ng bumagsak na konkretong pader sa Purok 3, Barangay Tomas Monteverde, ayon sa Davao City Police Office (DCPO). Nakaupo umano ang matanda nang biglang gumuho ang pader sa lakas ng pagyanig.

Bukod sa mga nasawi, maraming estruktura ang nasira, kabilang ang mga tulay, paaralan, at ospital. Sa Manay District Hospital, napilitang ilipat ang mga pasyente sa isang bakanteng lote matapos bumagsak ang kisame ng emergency room at masira ang administration building.

Nagdeklara na ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Manay upang makapaglabas ng pondo para sa relief at rehabilitation efforts. Patuloy ang monitoring ng PHIVOLCS, na nakapagtala na ng mahigit 299 aftershocks mula sa lindol.

Larawan mula sa Bureau of Fire Protection