Diskurso PH
Translate the website into your language:

'Build Back Better Fund,' isinusulong ng Senado para sa rehabilitasyon ng mga komunidad na nasalanta ng lindol

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-13 17:29:20 'Build Back Better Fund,' isinusulong ng Senado para sa rehabilitasyon ng mga komunidad na nasalanta ng lindol

OKTUBRE 13, 2025 — Isinusulong ng Senado ang pagbuo ng isang espesyal na pondo para sa agarang rehabilitasyon ng mga komunidad na tinamaan ng malalakas na lindol, partikular sa Bogo City, Cebu at Davao Oriental.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, hindi na kailangang magdagdag ng bagong item sa pambansang budget para sa 2026. Sa halip, plano ng Senado na magtakda ng bagong layunin para sa umiiral na mga pondo gaya ng Local Government Support Fund, National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), contingency fund, at iba pang reserbang alokasyon.

“We’re thinking of carving out funds from what we call ‘Build Back Better Fund’ next year to help victims of earthquake, particularly in Bogo City, Cebu,” ani Gatchalian sa isang panayam. 

(Nag-iisip kami na maglaan ng pondo mula sa tinatawag naming ‘Build Back Better Fund’ sa susunod na taon para matulungan ang mga biktima ng lindol, partikular sa Bogo City, Cebu.)

Sa datos mula sa opisina ng senador, may kabuuang ₱182.8 bilyon ang maaaring gamitin para sa rehabilitasyon at pagtugon sa mga sakuna. Kabilang dito ang ₱7 bilyon mula sa NDRRMF, ₱6.4 bilyon sa Quick Response Fund, ₱287 milyon sa Disaster Response Operations Fund ng Office of Civil Defense, ₱15 bilyon sa Local Government Support Fund, ₱12 bilyon sa Contingent Fund, at ₱141 bilyon sa Unprogrammed Appropriations sa ilalim ng Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP).

Hindi pa umano humihiling ng karagdagang budget ang Malacañang para sa disaster response ngayong taon.

“As of now, the Executive has still enough funds until the end of the year. It’s now October anyway,” dagdag ni Gatchalian. 

(Sa ngayon, sapat pa ang pondo ng ehekutibo hanggang sa katapusan ng taon. Oktubre na rin naman.)

Bukod sa pabahay, nakatakda ring pondohan ng Senado ang pagsasaayos ng mga paaralan at makasaysayang gusali na nasira ng lindol. Tinatayang nasa 300 silid-aralan sa Cebu at mahigit 500 paaralan sa Davao Oriental ang nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.

Nilinaw ni Gatchalian na layunin ng panukalang pondo na mapabilis ang muling pagbangon ng mga apektadong lugar, lalo na’t marami pa ring residente ang nananatili sa pansamantalang tirahan.

“Hindi sila makakabalik kung hindi natin sila tutulungan,” aniya.

Target ng Senado na maisama ang bagong alokasyon sa deliberasyon ng pambansang budget para sa susunod na taon.

(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)