Diskurso PH
Translate the website into your language:

Trillanes, sinampahan ng kasong plunder sina Duterte, Go; buwelta ni Go, ‘tunay na may sala ang habulin’

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-21 14:23:38 Trillanes, sinampahan ng kasong plunder sina Duterte, Go; buwelta ni Go, ‘tunay na may sala ang habulin’

OKTUBRE 21, 2025 — Nagsampa ng kasong plunder at graft si dating Senador Antonio Trillanes IV laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go kaugnay sa halos P7 bilyong halaga ng mga kontratang pang-imprastruktura na umano’y napunta sa mga kompanya ng pamilya ni Go.

Isinampa ang reklamo sa Office of the Ombudsman nitong Martes, kung saan idinawit din sina Deciderio Lim Go, ama ni Bong Go at may-ari ng CLTG Builders, at Alfredo Armero Go, kapatid ng senador at may-ari ng Alfrego Builders.

Ayon kay Trillanes, mula pa noong 2008 hanggang sa kasalukuyan, nakakuha ng mga kontrata ang CLTG at Alfrego Builders mula sa pamahalaan, kabilang ang P816 milyon sa ilalim ng joint venture ng CLTG at St. Gerrard Construction — isang kompanyang pag-aari ng pamilya Discaya — na napanalunan sa panahon ng Duterte administration mula 2016 hanggang 2022.

Tinukoy ni Trillanes si Bong Go bilang “central figure” sa mga transaksyon, at iginiit na ginamit umano nito ang ugnayan kay Duterte upang maisakatuparan ang mga kontrata.

“Ang main plunderer rito ay si Bong Go kasi siya ang central figure dun sa tatay at kapatid, tapos 'yung kanyang relationship with Duterte enabled this. Ang pumipirma, ang naga-appprove ay itong si Duterte pero nasa likod niya itong si Bong Go,” ani Trillanes. 

Dagdag pa niya, “Ito ay tungkol sa P7 billion worth na infra projects na in-award nila Bong Go at Duterte doon sa tatay at kapatid ni Bong Go. Ito ay bawal at covered ito sa plunder law.” 

Binanggit ni Trillanes na may halos 200 kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa mga transaksyong ito, at nakuha niya ang mga dokumento habang senador pa siya. May karagdagang ebidensya rin umano siyang nakuha matapos ang kanyang termino.

Giit niya, hindi maaaring bigyan ng kontrata ang mga kamag-anak hanggang ika-apat na antas ng pagkakamag-anak, lalo pa’t unang antas ang ama at kapatid ni Go.

“Bawal ito. Hindi pwedeng bigyan ng kontrata 'yung tatay at kapatid mo,” ani Trillanes. 

Binatikos din ni Trillanes ang umano’y kakulangan sa kapital ng mga kompanya ng pamilya Go, na may B license lamang, kaya’t hindi dapat nabigyan ng mga proyektong daan-daang milyon ang halaga. Aniya, gumamit ang mga ito ng joint venture sa mga kompanyang may triple A license upang makalusot.

Samantala, iginiit ni Senador Bong Go na wala siyang kinalaman sa negosyo ng kanyang pamilya at handa siyang papanagutin ang sinumang may pagkukulang.

“Ngayon na nasa Ombudsman na siya, meron naman pong COA. Pwede naman pong tumingin kung meron bang pagkukulang, kung meron bang irregularities dito sa mga proyektong ito. Kasuhan ninyo po,” ani Go. 

“Sinasabi ko nga, ako pa mismo, willing po akong kasuhan kahit kapamilya ko, kahit sino pa ‘yan,” dagdag pa niya. 

Buwelta pa ng senador, “Ang issue dito, ang flood control. Ang issue po dito, anomalous projects. Ang issue po dito, ghost projects. Panagutin ninyo po ang dapat panagutin. Kilala ni Trillanes ‘yan. Kilala niya kung sino ang mga kontraktors na ‘yan. Kilala niya kung sino ang mga dapat managot dito sa isyung ito.” 

Giit pa ni Go, “Tunay na may sala ang habulin.” 

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng DPWH at ng Ombudsman ang posibleng koneksyon ng mga Discaya sa CLTG Builders.

(Larawan: Antonio "Sonny" Trillanes IV | Facebook)